CABINET REORGANIZATION

ISANG taon na sa puwesto si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Kung matatandaan, Mayo 9, 2022 nang mahalal siya bilang ika-17 presidente ng Pilipinas.

Sa unang araw niya noon sa trabaho, hiniling agad ni PBBM ang pagkakaisa ng mga Pilipino para makamit ang tagumpay.

Kumpiyansa ang Pangulo na babangon muli ang bansa dahil sa pagkakaisa at pagtutulungan.

Sa totoo lang, maraming hamong kinakaharap ang kanyang administrasyon hanggang ngayon.

Kasama na nga riyan ang pandemya na sa kasalukuyan ay hindi pa tuluyang humuhupa.

May mga tinatamaan pa rin ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Noong una, maraming beses siyang nagpalit ng mga miyembro ng gabinete.

Kaliwa’t kanang appointments na rin ang ginawa ng Presidente nitong mga nakaraang buwan.

May mga tinanggal at may mga iniluklok naman sa iba’t ibang posisyon.

Gayunman, ipinahiwatig ni Pangulong Marcos na posibleng magkaroon ng reorganization sa kanyang gabinete sa mga susunod na araw.

Napaso na raw kasi ang isang taong appointment ban laban sa mga tumakbo noong May 2022 elections.

Mismong si PBBM ang umamin sa media hinggil dito sa Meruorah Convention Center sa Labuan Bajo, Indonesia.

Naiisip na raw niya noon pa ang pagkakasa ng reorganization sa mga miyembro ng kanyang gabinete.

Aba’y nakikita na raw kasi niya kung sino-sino ang mga mahuhusay sa loob ng isang taong panunungkulan niya sa Malakanyang.

Sabagay, hindi naman nakapagtataka iyan.

May tahid na public servant si Marcos kaya alam ng mama ang mga nagpe-perform talaga.

Maituturing kasi na OJT (on-the-job trainees) ang mga kalihim at iba pang government officials.

Mahalaga ang balasahan sa gobyerno para hindi naman masayang ang ipinasasahod natin sa kanila.

Nakikita iyan ng Pangulo.

Marahil ay bahagi na rin ito ng isinusulong na rightsizing sa gobyerno.

Maaalalang sinabi na rin ng Punong Ehekutibo kamakailan na nais niyang magkaroon ng dagdag na Cabinet members upang bigyang-daan ang mga magagaling na indibidwal na tumakbo noong halalan.

Habang isinusulat ko ang kolum na ito, kasalukuyang nasa Labuan Bajo si Pang. Marcos para sa 42nd ASEAN Summit at mananatili siya roon hanggang Mayo 11, 2023.

Kasama sa mga mabibigat na hamong kinakaharap ni Marcos ay ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, pasahe, tubig, koryente, at ang hindi mapigilang oil price hikes.

Bumabagsak din ang piso laban sa dolyar.

Isa pa riyan ay ang patuloy na pambu-bully ng China sa West Philippine Sea.

Totoong mabibigat ang mga hamong ito.

Well, pinatutunayan naman ni PBBM na kaya niyang harapin ang mga ito.

Nawa’y makahanap din siya ng mga tamang tao sa iba’t ibang posisyon sa gobyerno at ma-retain ang mga mapagkakatiwalian at magagaling para sa tuloy-tuloy na daloy ng serbisyo-publiko.