SA SIMULA’T simula ay malinaw naman na suportado ng inyong lingkod ‘yang pag-set up ng cable car system sa Metro Manila na maaaring i-duplicate sa iba’t ibang parte ng bansa.
Pinag-aaralan na ‘yan dahil malaki ang posibilidad na sa paglalagay ng urban cable car system ay maiibsan ang trapiko sa Metro Manila.
Ito ay matapos na ring magbigay ng grant na P27 milyon ang France para sa pag-prepare ng isang feasibility study kung saan tutukuyin din ang mga lugar na maaaring lagyan nito sa Metro Manila.
Ang pag-aaral ay isinasagawa ng dalawang French companies na eksperto sa paglalagay ng cable car system.
Kinokonsidera rin ang paglalagay ng cable car system sa mga lugar na dinadagsa ng mga turista katulad ng La Union patungong Baguio at Caticlan patungong Boracay.
Aminado naman ang Department of Transportation (DOTr) na ang cable car system ay isa lamang sa mga approach na makatutulong upang masolusyunan ang imposibleng trapiko sa Metro Manila.
Naisulat na rin natin sa ating munting pitak na ito ang ukol sa paggamit ng ferry boat upang maibsan ang mabigat na trapiko sa Metro Manila. Sa ating pakikipagbalitaktakan sa isang opisyal ng DOTr, napag-alaman na rin nating kinokonsidera ito ng departamento at maging ang mga eksperto nito ay naniniwalang malaki ang maitutulong ng paggamit ng mga ferry boat para sa pampublikong transportasyon.
Sasailalim ang prangkisa para sa nasabing transport system sa MARINA. Dati namang may mga public ferry boat na bumabagtas sa Pasig River, na namamasahero sa lahat ng lugar na dinadaluyan ng nasabing ilog.
Sa lupit ng trapiko ngayon ay mabuting ikonsidera talaga ito dahil malaki ang maitutulong nito sa pagresolba sa heavy traffic at alternatibong public transport ng mga mananakay.
Halos buong Metro Manila ay kadudugtungan ng Pasig, tungo sa Laguna Lake, patungong Marikina River at tuluyan na hanggang Montalban.
Magkakaroon ng mga ferry station sa mga strategic na mga puwesto kung saan bababa at sasakay ang mga pasahero.
Masaya pa ‘yan, maaaring maglagay tayo ng gondolier upang magsilbing entertainment sa ating mga pasahero. Hindi malayong maging tourist attraction pa ‘yan na makadaragdag sa ating turismo.
Walang gagastusin ang pamahalaan diyan dahil ipapa-operate natin sa private groups ‘yan, maaaring magkaroon ng prangkisa upang magkaroon ng kumpetisyon para sa mas magandang serbisyo.
Magpa-bid tayo para sa pinakamagaling na proposal para ma-maximize ang kapakinabangan ng taumbayan sa isang ferry boat alternative public transport system.
Makalilikha pa ‘yan ng dagdag na hanapbuhay para sa ating mga kababayan dahil bukod sa pagmamantina ng mga ferry boat, kinakailangan ding manatili ang lalim ng Pasig River at mga kadugtungang ilog at linisin ang mga daluyan sa water lily.
Kung mape-perfect lamang natin ‘yang ferry boat system sa Pasig ay pihadong higit 100,000 ding mga pasahero ang makikinabang araw-araw.
Inuulit ko ang paanyaya, tara na sa ilog Pasig, magharanahan at mag-enjoy sa biyaheng walang traffic.
Comments are closed.