CACAO MULA SA DAVAO PUENTESPINA FARMS UMANI NG HEIRLOOM STATUS

PUENTESPINA FARMS

ISA  na ngayon sa 16 na Heirloom cacao growers sa buong mundo ang Puentespina Farms  na kinikilala ng Heirloom Cacao Preservation (HCP).

Ang mga butil na pinatubo ng Davao City Puentespina Farms, manufacturer ng sikat sa mundo na Malagos Chocolates, ay kinilala na bilang “Heirloom Cacao” ng US-based organization Heirloom Cacao Preservation (HCP) Fund.

Inihayag ni Charita Puentespina, ang nagtayo ng Puentespina Farms, na ang farm ay ika-16th na recipient sa pandaigdigang pagkilala. Ang ilang heirloom farmers ay mula sa Bolivia, Ecuador, Hawaii, Costa Rica, Belize, Nicaragua, Vietnam, Tanzania, at Madagascar.

“We are elated to be part of this very small group of farmers who have been given this designation as Heirloom Cacao,” sabi niya.

Dumaan ang Puentespina beans sa mahabang pagsusuri ng HCP tasting panel bago inanunsiyo sa kanila ang heirloom status  sa San Francisco noong Enero 12, 2019. Ayon sa HCP, pinuri ang tsokolate dahil sa lasa nito, mababang acidity at ang “touch of fruits.”

Ang misyon ng HCP ay para kilalanin at ipre­serba ang pinong flavor ng cacao varieties para sa konserbasyon ng biological diversity at pagpapalakas ng komunidad ng mga magsasaka. Ito ang inisyatibo ng Fine Chocolate Industry Association na itinatag sa pakikipagkolaborasyon sa US Department of Agriculture/Agricultural Research Services.

Pinatutubo at pinalalago ng maliit na sakahan sa lowland tropical regions, ang cacao ay mabuti para sa ecosystem dahil ito ay pinalaki sa ilalim ng puno ng ibang fruit trees tulad ng sa­ging, niyog, at punong-gubat.  Ang pagtulong para mapreserba ang heirloom cacao ay nakatutulong din sa kabuhayan ng mga magsasaka na nagpapatubo sa kanila.

“We want our products to be worthy of the heirloom designation that has been given to us,” sabi ni Puentespina.

Samantala, ang Malagos Agri-Ventures Corporation ay nag-isyu ng limited edition bar ng Malagos Heir-loom Chocolate, 72% Dark Chocolate para ipagdiwang ang sertipikasyon.   PNA

Comments are closed.