CAFGU MEMBER TIKLO SA PAGBEBENTA NG ARMAS

ZAMBOANGA DEL SUR- NASAKOTE  ang miyembro ng Citizen Armed Force Geographical Unit (Cafgu) dahil sa illegal na pagbebenta ng mga armas.

Sa ulat na inilabas nitong Sabado, sinabi ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na ang suspek ay nag-ooperate ng unauthorized gunsmithing business mula sa kanyang tirahan at nagsasaayos at nagku-customize ng mga armas para sa kanyang mga kliyente gaya ng law enforcement officers, mga politiko at sibilyan.

Ang suspek na si “Jaime” ay naaresto dakong ala-5:10 ng hapon  sa Barangay Tiguian, Margosatubig, Zamboanga del Sur sa pamamagitan ng search warrant na inisyu ng Regional Trial Court Branch 20 Pagadian City.

Si Jaime ay aktibong miyembro ng Cafgu na nakatalaga sa Delta Company ng 53rd Infantry Battalion ng Philippine Army.

“Jaime is considered a highly skilled gunsmith, having worked in several gunshops across different regions in the Philippines,” saad sa ulat ng CIDG.

Nakumpiska sa kanya ang limang .45 caliber pistols, dalawang M-16 rifle lower receivers at isang improvised firearm sa operasyon.

Nakuha rin ang iba’t ibang ammunition, firearm magazines, firearm accessories at gunsmithing tools katulad ng welding machine, bench grinder at mechanical vise.

Nahaharap si Jaime sa kasong paglabag sa Firearms and Ammunitions Regulation Act.

Dati nang naaresto ang suspek sa pagbebenta ng armas noong Disyembre 2020 ngunit nakapag-piyansa at kalaunan ay naibasura rin ang kaso.

“This operation demonstrates our commitment to dismantling illegal firearms ope­rations and enhancing public safety. We will continue to take decisive action against individuals involved in the illegal firearms trade,” pahayag ni CIDG Director Brig. Gen. Nicolas Torre III.

EVELYN GARCIA