CAGAYAN VALLEY- NGAYONG napanatili ng tropical depression Paeng ang taglay nitong lakas ng hangin habang nananatili sa karagatan ng Pilipinas, naghahanda na ang Cagayan na posibleng tamaan ng bagyo.
Naitala ang lokasyon ni Paeng sa layong 845 km sa silangan ng Eastern Visayas. Pero maaaring tamaan ng landfall nito ang Cagayan Valley sa darating na weekend.
Sa ngayon ay taglay ng bagyong Paeng ang lakas na 55 kph at may pagbugsong 70 kph pero pinangangambahang magiging ganap itong tropical storm bunsod na rin ng mabagal na pagkilos nito pakanluran sa bilis na 10 kph.
Maliban dito, may umiiral ding shear line na nakakaapekto sa Southern Luzon at Visayas.
Bunsod nito, nagsimulang maghanda ang provincial government ng Cagayan sa pang limang bagyong tatama sa lalawigan matapos itong hagupitin ng bagyong Florita at Neneng at ng daan din sila ng typhoon Maymay at Obet kamakailan lamang.
“Last Tuesday po, nag-conduct po kami ng provincial interoperability simulation exercises,” ani Ruelie Rapsing ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO).
“Ito po’y para ayusin yung mga sistemang naka-in place nila, mula purok ng mga barangay, papaano ang coordination nila doon sa kanilang mga barangay, and from barangay to municipality and municipality to the province,” dagdag pa nito.
Kahapon itinaas na ng PAGASA Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa northern portion ng Eastern Samar at eastern portion ng Northern Samar.
Ayon sa State weather bureau PAGASA, tinatayang tatama sa lupa si Paeng sa Aurora ngayong Linggo, may posibilidad din umanong magbago ng landas ang bagyo bunsod ng patuloy nitong paglakas dala rin nararanasang high-pressure area hilagang silangan. VERLIN RUIZ