CAGUIOA SWAK SA FAKE NEWS?

Justice Benjamin Caguioa

Ginipit umano si Justice Caguioa ng mayorya ng PET para paboran ang protesta ni Marcos

UMANDAR ulit ang makinarya ng kampo ng mga ‘dilawan’ sa paglubid ng fake news nang ilabas kamakalawa ng isang online news site na “ginigipit si Justice Benjamin Caguioa ng mayorya ng ­Korte Suprema upang pa­boran ang protesta ni Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos laban kay Leni Robredo.

Mariing pahayag ito kahapon ng isang Presidential Electoral Tribunal ‘insider’ na may sapat na kaalaman sa mga naging kaganapan sa reklamo ni Marcos laban kay Robredo na mahigit nang tatlong taon na dinidinig ng Supreme Court justices na tumatayo bilang hurado ng PET.

Ayon sa ulat ng naturang news website, si Caguioa na siyang ‘ponente’ o justice-in charge ng protesta ni Marcos, “is under intense pressure from SC majority to favor Marcos’ poll protest vs VP Robredo.”

“Ang intension ng mali-maling ulat ay upang sirain ang integridad ng SC justices na ang husga ay hindi tugma sa rekomendasyon ni Caguioa at lagyan ng duda ang impartiality ng mga ito,” pahayag ng PET insider.

Kanyang hinamon si Caguioa na sagutin ang online news report kung totoong may nanggigipit sa kanyang kasamahan sa PET at pangalanan ang mga ito upang hindi mamuo ang duda ng publiko na may hokus-pokus sa pagresolba sa protesta ni Marcos laban sa pinaniniwalaang pandaraya ni Robredo noong 2016 vice presidential contest.

“Kung manahimik lang si Caguioa at hindi siya tutugon sa mapanirang bintang ay malinaw na ‘fake news’ ang inilabas ng nasabing news website at obyus na galing ang nasabing fake news sa kampo ni Robredo kasi siya ang magbebenepisyo sa gawa-gawang balita,” pahayag pa ng PET insider.

Kanyang idinagdag na “ang patotoo na ga­ling ang fake news sa kampo ng ‘dilawan’ ay ang pagsagawa kahapon ng rally sa harap ng Korte Suprema ng mga nagpakilalang supporters ni Robredo dahil ang nasabing sama-samang pagkilos ay naglalayong ipres­yur ang mga hukom ng PET na sang-ayunan ang ilalatag ni Caguioa na husga sa resulta ng poll protest ni Marcos na nasa agenda kahapon ng en banc session.

Ayon sa PET insider, nangangamba ang kampo ni Robredo na hindi makumbinsi  ni Caguioa ang ma­yorya ng PET na wasto, walang pagkiling at may integridad ang isasalang o irerekomenda niyang husga o resolusyon upang tuldukan na ang mahigit tatlong taong reklamo ng umano’y malawakang dayaan sa vice presidential race noong 2016.