DATI-RATI, kapag sinabing tatang, ang nasa isip agad ng mga basketball follower ay si coach Sonny Jaworski. Sa kasalukuyan, si Mark Caguioa, everytime na ipapasok, ay naririnig ko sa ilang fans ng Ginebra na, “Si tatang ipapasok na.” Pero sa totoo lang, medyo bata pa naman si Caguioa. Si Asi Taulava ang pinaka may edad na naglalaro ngayon sa PBA.
Si Taulava ay nasa bakuran ng NLEX Road Warriors. Napansin namin na mabilis pa ring kumilos si Mark sa loob ng court. Kaya pa niyang makipagsabayan sa mas bata sa kanya. Hindi pa rin nagbabago ang pagiging shooter niya. Bigyan lang siya ni coach Tim Cone ng tiwala at breaks ay tatagal pa siya sa PBA
Nakapanalo na rin ang Rain or Shine Elasto Painters kamakalawa ng gabi laban sa Alaska Aces. Si Ray Nambatac ang napiling ‘best player of the game’. Simple gumalaw ang import ng RoS na si Joel Wright pero nakatutulong sa team, mabilis kumilos, bagama’t nakakuha siya agad ng apat na fouls sa loob lamang ng dalawang quarters. Maingat itong naiangat ang RoS para makuha ang unang panalo sa Governors’ Cup. Nakatulong niya sina Jayvee Mocon, Ed Daquiaog, Beau Belga at ang bagong salta na si Ping Exciminiano.
Balik-court na si Kiefer Ravena sa kampo NLEX. Sa 2nd day ay naglaro na siya kung saan nakaharap ng kanyang team ang Phoenix Fuel Masters. Kitang-kita sa mga mata ng dating Ateneo Blue Eagle na masayang-masaya siya sa kanyang pagbabalik sa hardcourt. Halos 18 buwan din naman siyang nawala. Maraming activities na ginawa si manong upang hindi mainip at mawala sa kanyang isip ang basketball pansamantala. Matindi ang punishment sa kanya ng FIBA. Basta may kinalaman sa basketball ay bawal daluhan. Pero ngayon ay bagong simula, at malaking bagay ang paglalaro niya sa Road Warriors.
At tsika namin, maaaring magkasama sila ng kanyang nakababatamg kapatid na si Thirdy Ravena sa isang team kapag nakaabot siya sa PBA annual draft na posibleng maganap sa Disyembre.
Grabe, nakapanood din ako ng UP Maroons game sa Antipolo Center. Sulit ang panonood ko dahil nakuha ng Maroons ang kanilang ikaapat na panalo. ‘Yung 2nd game nila ay tinalo sila ng UST Growling Tigers ni coach Aldin Ayo. Malakas ang team ngayon ni coach Bo Perasol. Malaking bagay talaga ang pagdating nina Kobe Paras at Ricci Rivero sa UP Maroons. Iba ang laro ni Paras, kapag gustong mag-drive para tumungo sa ilalim ay ginagawa nito. Mayroon din siyang shooting. Napansin nga namin na mas mahusay si Kobe sa kanyang Papa Benjie Paras. Pero wala pang napatutunayan si Kobe dahil ang ama niya na si Benjie noong pumasok sa PBA ay nakuha nito ang Rookie of the Year at MVP sa isang conference lang. Abangan natin si Kobe Paras.
Comments are closed.