MAKARAANG pangunahan ang University of the Philippines sa UAAP Season 87 men’s basketball title, dadalhin ni JD Cagulangan ang kanyang talento sa Korea.
Si Cagulangan ang pinakabagong miyembro ng Korean Basketball League (KBL) team Suwon KT Sonicboom.
Ang Suwon KT ay kasalukuyang nasa ika-4 na puwesto sa KBL standings na may 10-8 record.
Ang koponan ay naglalaro rin sa 2024-25 EASL season.
Ang KT Suwon ay kasalukuyang 2-2 sa standings sa Group A — na kinabibilangan din ng Taiwan’s Taoyuan Pauian, Japan B.League’s Hiroshima, PBA’s San Miguel, at Hong Kong’s Eastern.
Ang UP star player ang pinakabagong Filipino player na maglalaro sa KBL, matapos ni UAAP finals opponent at league MVP Kevin Quiambao, na magiging miyembro ng Goyang Sono Skygunners.
Sa katatapos na UAAP season, si Cagulangan ang itinanghal na Finals MVP at naging bahagi ng Mythical Team kung saan nagposte siya ng averages na 11.75 points, 4.42 rebounds, 5.0 assists, at 1.75 steals sa pagtatapos ng elimination round.
Naglalaro rin sa Korea ngayon ang mga tulad nina SJ Belangel, Migs Oczon, Ethan Alvano, Justin Gutang, at dating UP players Carl Tamayo at Juan Gomez de Liaño. Si Dave Ildefonso ay dating naglaro para sa Suwon.