PATULOY pa rin na nakakaapekto sa Pilipinas ang masasamang lagay ng panahon maging ang mga pagbaha sa maraming rehiyon dahil sa epekto ng Shear Line, Intertropical Convergence Zone (ITCZ), at Low-Pressure Areas (LPAs).
Matatandaang mula pa noong Disyembre 8, ang mga weather system na ito ay nagdulot ng mga makabuluhang insidente ng pagbaha sa CALABARZON, MIMAROPA, sa Bicol Region, Eastern Visayas, at Davao Region.
Matinding naapektuhan ang CALABARZON kung saan sampung lugar sa Quezon Province ang patuloy na nakararanas ng pagbaha at may kabuuang 88 pamilya, nanasa 367 indibidwal ang naapektuhan sa pitong barangay.
Ang isang seksyon ng kalsada sa Real, Quezon, ay nananatiling hindi madaanan ng lahat ng uri ng sasakyan, na nagpapahirap sa pag-access sa mga apektadong lugar.
Sa MIMAROPA, malubha ang sitwasyon, kung saan 30 lugar ang binaha sa Oriental Mindoro at Palawan. Humigit-kumulang 10,021 pamilya o 48,598 katao ang naapektuhan at may 174 pamilya o 702 indibidwal na kasalukuyang nananatili sa walong evacuation center.
Kabilang sa napinsala ang limang hindi madaanang mga seksyon ng kalsada at isang tulay. Subalit, ang lahat ng mga daungan ay balik operasyon na at walang naiulat na mga stranded na pasahero.
Sa Rehiyon V na kinabibilangan ng mga bahagi ng Camarines Sur, 33 lugar ang binaha sa sampung lungsod at munisipalidad na nakaapekto sa 154 na pamilya o 678 katao na kasalukuyang nasa sampung evacuation centers habang 20 seksyon ng kalsada ang nananatiling hindi madaanan.
Malaki rin ang naapektuhan ng Eastern Visayas, na may 52,949 na pamilya o 199,364 katao ang naapektuhan.
Sa Davao Region, naiulat na ang pagbaha sa Davao del Sur at Davao Occidental. Ang tulay ng Mana sa Malita ay kasalukuyang hindi madaanan ng lahat ng uri ng sasakyan at ang mga pagkaputol ng kuryente ay nabanggit sa Jose Abad Santos, Davao Occidental.
Aktibong sinusubaybayan ng OCD ang sitwasyon at nakikipag-ugnayan sa mga local disaster response teams para magbigay ng agarang tulong sa mga apektadong komunidad.
P ANTOLIN