CALABARZON, MIMAROPA PINARANGALAN NG DICT

LAGUNA-BINIGYAN ng natatanging pagkilala ng Department of Information Communication Technology ang ilang bayan at lungsod sa Region 4a at 4b dahil sa malaking naiambag ng mga ito sa mabilis at malinis na record ng uploading ng mga datos sa nakaraang dalawang taon ng pandemya.

Sinabi ni Cherry Ortega, Regional director ng DICT sa mga nasabing rehiyon na binibigyan pugay ng ahensiya ang sakripisyo ng mga LGU sa pagsisimula ng lockdown, contact tracing hanggang sa COVID-19 vaccination kung saan nakasalalay ang mabilis na data management ng bawat lungsod at bayan.

Bagaman, marami umanong lugar sa dalawang rehiyon ang mahina ang internet connection, ang mga bayan sa upland at coastal areas ng dalawang rehiyon ay mahusay na nakapagbigay ng datos sa vaccination operating system at vaccination administrative line ng ahensiya para matugunan ang pangangailangan impormasyon ng publiko.

Partikular na binigyan ng award ang bayan ng Mulanay sa Quezon bilang Top Performing municipality sa pag-upload ng vaccination data ganoon din ang lalawigan ng Batangas bilang nangungunang lalawigan na nakapagbigay ng kumpletong record tungkol sa bilang ng mga COVID-19 patients at covid vaccine individuals.

Binigyan din ng pagkilala ang bayan ng Mabitac sa Laguna at ang lungsod ng Antipolo sa Rizal.
Sa MIMAROPA, nanguna ang lalawigan ng Romblon na sinundan ng mga bayan ng Calapan at Bulalacao sa Oriental Mindoro at San Andres sa Quezon. ARMAN CAMBE