CALAX- SILANG TATAPUSIN SA LOOB NG 2 BUWAN

TARGET ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na sa loob ng 2 hanggang 3 buwan ay makukumpleto na ang konstruksyon ng Silang Interchange segment ng Cavite-laguna Expressway (CALAX).

Ito ay makaraang makakuha na ng writ of possession ang DPWH sa nalalabing 15,650 square meters na lupain na kailangan sa proyekto.

Ang suspensyon sa pagpapalabas ng writ of possession sa nalalabing lupain para makumpleto ang proyekto ay tinanggal ni Tagaytay Regional Trial Court Branch 134 Judge Michael Maranan noong Pebrero 2023.

Bunsod nito, sinabi ni DWPH Secretary Manuel Bonoan na makukumpleto nila ang CALAX Silang hanggang sa Mayo makaraang mabinbin dahil sa isyu sa “right-of-way”.

Nakausap na rin ni Bonoan ang Department of Budget and Management (DBM) kung saan tiniyak nito ang pagpapalabas ng kaukulang pondo para matapos ang proyekto.

Naglaan umano ang DBM ng P2 bilyon para sa CALAX right-of-way para ngayong taon.

Ayon sa DPWH, ang Silang-CALAX ang ikalima sa walong segment ng 45-kilometrong toll road. May haba ito na 3.9 kilometo mula Silang East Interchange hanggang Aguinaldo Highway sa Cavite.
PAUL ROLDAN