ISINAPUBLIKO na kahapon ng Commission on Elections (Comelec) ang kanilang calendar of activities para sa idaraos na national at local elections na idaraos sa bansa sa Mayo 9, 2022.
Salig sa Resolution No. 10695, na inisyu ng Comelec, nabatid na ang paghahain ng Certificate of Candidacy (COC) para sa lahat ng elective positions ay itinakda mula Oktubre 1, 2021 hanggang Oktubre 8, 2021, kabilang na ang mga araw ng Sabado at Linggo.
Anang Comelec, magsisimula naman ang election period mula Enero 9, 2022 at magtatapos sa Hunyo 8, 2022.
Paalala ng Comelec sa panahon ng election period ay iiral ang gun ban sa bansa, na nangangahulugang mahigpit na ipinagbabawal ang pagdadala, pag-iingat at pagbibiyahe ng mga armas o iba pang nakamamatay na sandata, maliban na lamang kung ‘authorized in writing’ ito ng Comelec.
Mahigpit din ipinagbabawal ang pagkakaroon ng security o body guards ng mga kandidato, maliban na lamang kung awtorisado ito ng Comelec; pag-organisa o pagmantine ng reaction forces, strike forces at iba pang kahalintulad na pwersa; alterasyon o pagbabago ng teritoryo ng isang presinto o pagtatayo ng isang bagong presinto; paglilipat o paggalaw ng mga opisyal at empleyado na nasa civil service at suspensiyon ng mga elective local officials.
Ang campaign period naman para sa mga kandidato sa national positions, kabilang ang presidente, bise presidente, senador at party-list groups, ay itinakda mula Pebrero 8, 2022 hanggang Mayo 7, 2022, o dalawang araw bago ang election day sa Mayo 9.
Samantala, ang mga kandidato para sa local elective positions, kasama na ang mga miyembro ng House of Representatives at regional, provincial, city at municipal officials, ay maaaring mangampanya simula Marso 25, 2022 hanggang sa Mayo 7, 2022.
Nilinaw naman ng Comelec na mahigpit na ipinagbabawal ang pangangampanya sa Huwebes Santo at Biyernes Santo, na natapat sa Abril 14 at 15, 2022.
Tulad naman ng mga nakaraang eleksiyon, bibigyan ng isang buwan ang mga overseas voters upang makaboto, at itinakda ito mula Abril 10, 2022 hanggang Mayo 9, 2022.
Maaari silang bumoto sa mga embahada ng Pilipinas, konsulada, at iba pang posts, alinsunod sa overseas absentee voting system. Mahigpit rin naming ipinagbabawal ang pangangampanya sa ibang bansa sa nasabing panahon.
Mayroon namang tatlong araw ang mga local absentee voters upang makaboto at ito ay itinakda mula Abril 27, 28 at 29, 2022.
Ang huling araw ng aplikasyon upang maging local absentee voter ay sa Marso 7, 2022.
Simula naman Mayo 8 hanggang Mayo 9, 2022 ay ipapatupad na rin sa bansa ang liquor ban o ang pagbabawal sa pagbebenta, pagbili, pag-aalok, pamamahagi at pagsisilbi ng anumang nakalalasing na inumin.
Ipinaalala rin naman ng Comelec na simula sa bisperas ng election day at sa mismong araw ng halalan ay bawal na ang pangangampanya, kabilang dito ang pagtanggap o pagbibigay ng libreng transportasyon, pagkain, inumin, o mga bagay na may halaga; pag-solicit ng boto o pagsasagawa ng anumang propaganda para o laban sa isang kandidato o political party sa mga polling place; pagbubukas ng mga booths o stalls para sa pagbebenta ng anumang merchandise o paninda o inumin sa loob ng 30-metro radius mula sa polling place at pagdaraos ng mga fairs, sabong, boksing, karera ng kabayo at iba pang kahalintulad na palaro. Ana Rosario Hernandez
Comments are closed.