LAGUNA- PINAGHAHANAP ng Laguna PNP Intelligence division ang riding in tandem na bumaril at nakapatay sa isang call center agent at malubhang ikinasugat ng dalawa pa nitong kaibigan sa Barangay Uno, Cabuyao sa lalawigang ito kahapon ng umaga.
Kinilala ng mga pulis ang nasawi na si Bryan Perez, 23-anyos, binata at residente ng nasabing lugar.
Batay sa ulat, dakong alas-10 NG umaga habang si Perez at ang dalawa pa nitong kaibigan ay nagkukuwentuhan nang biglang huminto ang isang motorsiklo sakay ang di pa nakikilalang mga suspek na agad bumunot ng baril ang angkas nito at walang awang pinagbabaril ang tatlo.
Agad na tinamaan si Perez sa dibdib at nasugatan naman sina Geraldine Tambaoan at Alfredo Torayao, pawang mga kasamahan sa trabaho ng nasawi.
Naisugod pa si Perez sa ospital subalit dead upon arrival ito sa emergency room ng Cabuyao community clinic.
Inaalam pa ng pulisya ang motibo sa likod ng nasabing pamamaril. ARMAN CAMBE