“CALLE CRISOLOGO DE VIGAN” NG TAIPEI

CALLE CRISOLOGO DE VIGAN

ISA SA tanyag na tourism attraction sa Pinas ay ang Vigan Old Street sa Ilocos Sur na tinawag na “Calle Crisologo de Vigan.” Subalit, lingid sa kaalaman ng mara­ming Pinoy, may ipinagmamalaki rin na tourism attraction sa Norte ang mga Taiwanese na “old street”. Ito ay ang “Sanxia Old Street” na kilala rin sa tawag na “San Jiao Yong Old Street”. Kung ang Calle Crisologo de Vigan ay 500 metro ang haba ng kalsada na gawa rin sa red brick (tizza), may 260 metrong haba naman ang Sanxia Old Street at sa pagitan nito ay may 100 ancestral houses na maaaninag ang mga pader na gawa rin sa red brick (tizza).

CALLE CRISOLOGO DE VIGAN-2Matatagpuan sa Sanxia (Sansia) District ng New Taipei City ang tinaguriang “old street” at nanatili pa rin naka-intact ang makasaysa­yang mga shop at alley sa kahabaan ng tourist street. Kahit masikip ang trapiko tuwing weekend, ito ay dinarayo pa rin ng mga dayuhang turista partikular na ang mga Pinoy dahil sa kakaibang simoy ng hangin at ta­nawin. Sinasabing mas okay na bumisita sa nasabing tourist street kapag pangkaraniwang araw dahil sa maluwag ang kalsada pero karamihan sa commercial shop ay sarado sa mga mamimili.

Maaaninag din ang sinaunang architectural structure ng gusali partikular na ang mga pintuan na ginawa ng inhenyerong Hapones na sumakop sa China noong 1900s. Hindi naman lingid sa kaalaman ng Pinoy na ang sinaunang mga bahay sa Calle Crisologo de Vigan ay ginawa naman ng mga Chinese trader na nag-migrate sa ­ating bansa. Kabilang sa mga ipinagmamalaking paninda ng mga Taiwanese sa “old street” ay ang makikintab na ceramic tea set, handicrafts, antique, kakaibang painting, mga materyal sa pagpipinta, kakaibang pagkaing niluto sa nagbabagang itim na buhangin tulad ng itlog.

CALLE CRISOLOGO DE VIGAN-3Malinis ang bawat sulok ng kalsada at kapaligiran kung saan madarama ang seguridad at katahimikan dahil na rin sa pagi­ging disiplinado ng mga Taiwanese. Hindi magi­ging kompleto ang pagbisita ng isang turista sa “old street” kapag nakalimutang mag-snack ng kulay ginto at malutong na Croissant (Golden Bull Horn) kaya ito naging popular na snack sa halagang NT$30 each. Matatanaw rin sa San­xia (Sansia) Old Street ang kakaibang classical temple arts na Qingshui Zushi Temple (Divine Ancestor Temple). Sa labas ng “old street” ay may mga paninda ring iba’t ibang uri ng prutas tulad ng Kiwi, dragon fruit, pakwan, ubas, manga, orange, mansanas, at iba pa. Matatanaw rin ang mga tindahan ng mga damit, sapatos, gamit-pambahay, iba’t ibang gulay, mga isda, at dry goods.

Sa mga turistang Pinoy na nais bumisita sa “Calle Crisologo de Vigan” ng Taiwan ay maaring mag-bus mula sa Taoyuan International Airport. Siguruhing nakapag-money change ng pesos sa NT$ o kaya US$ sa NT$ dahil walang money changer sa Taipei City at karatig lugar. Sakaling may malaking budget ay maaring pumili ng tour agency sa airport pero aabot sa NT$5K hanggang NT$7K ang bayad kapag nagpa-tour. Gayunman, maaari naman bumili ng EasyCard sa mini-store sa airport para magamit sa bus at MRT. Maaaring gamitin ang EasyCard sa alinmang convenience store sa Taipei.

CALLE CRISOLOGO DE VIGANSa mga turistang suki na masilayan ang “old street” sa New Taipei City ay magtungo sa counter number 3 ng bus ticketing pa-Sansia District sa halagang NT$75. Maaari rin sumakay ng MRT patungong Taipei Main Station mula sa airport pero mas mataba ang biyahe. Pagdating sa Taipei Main Station, hanapin ang Banna Line 5 (BL) na may direksiyong Yongning District kung saan aabot sa 30-minuto ang biyahe sa nasabing direksiyon.

Sa labas ng Yong­ning Station ay may mga pampasaherong bus na may iba’t ibang numero na may iba’t ibang ruta. Sumakay ng bus number 705 o kaya 706 sa kabilang kalsada patungong Jiaoxi Li Village kung saan aabot sa 30-minuto rin ang biyahe.

Karamihang Taiwanese ay hindi marunong magsalita ng English kaya maa­aring magtanong sa mga estudyante na nasa bus station. Text and photos by MHAR BASCO