CALOOCAN ISINAILALIM NA SA STATE OF CALAMITY

ISINAILALIM na sa state of calamity ang lungsod ng Caloocan  dahil sa epekto ng Southwest Monsoon o Habagat na pinalakas ng bagyong Carina.

Alinsunod ang deklarasyon sa Sangguniang Panlungsod Resolution No. 4267 -2024.

Binibigyang-daan nito ang paggamit ng lokal na pamahalaan ng emergency funds at implementasyon ng relief operations upang tulungan ang mga apektadong residente.

Ayon sa ulat, 3,035 pamilya o 15,390 indibidwal sa 46 bara­ngay ang apektado ng kalamidad.

Nauna nang nag­deklara ang Metro Manila Council (MCC) ng state of calamity sa National Capital Region dahil sa malawakang pagbaha.

Isinailalim din ang Manila at Malabon sa state of calamity.

Samantala, aabot pa sa 690 na pamilya o katumbas ng 2,675 na indibidwal ang nananatili sa evacuation cen­ters sa Valenzuela City bunsod ng epekto ng habagat na pinalakas ng bagyong Carina.

Pinakamarami ang naapektuhang residente sa District 1 at 2.

Ang ilan sa mga evacuee ay nananatili sa mga eskwelahan kaya iniurong sa Agos­to 5 ang pagbubukas ng klase sa lungsod.

Tuloy-tuloy naman ang pagpaabot ng tulong ng LGU sa mga apektadong residente.

Kabilang dito, ang paghahatid ng relief goods, food packs, at hygiene kits sa mga residenteng nasa eva­cuation centers.

Nagpapatuloy din ang clean-up operations ng Waste Management Office (WMO) upang hakutin ang mga basurang naipon dulot ng bagyong Carina at gayundin ng full ope­ration ng 24 pumping stations sa lungsod, at operasyon ng Flood Control Unit ng mga mobile pumping station sa iba’t ibang barangay na apektado pa rin ng baha.

EVELYN GARCIA