CALUAG, COO INALAT SA ASIAN BMX

HINDI kinasihan ng suwerte sina Daniel Caluag at Patrick Coo habang kinuha ng Thailand at Japan ang elite category gold medals at ang mas mahalaga, ang mga puwesto sa Paris 2024 Olympics sa pagtatapos ng Asian Cycling Confederation (ACC) BMX Championships sa Tagaytay City BMX Park nitong Linggo.

Si Caluag, ang nag-iisang gold medalist ng Pilipinas sa Incheon 2014 Asian Games, ay nawalan ng dalawang segundo nang saglit na ma-stuck -ang kanyang unahang gulong sa starting gate sa semifinals ng men’s elite race.

Nagawang makuha ng London 2012 Olympian ang nais niyang bilis at rhythm sa table top subalit nabigong makapasok sa championships na kinalendaryo kapwa ng International Cycling Union (UCI) at ng Asian Cycling Confederation at hinost ng PhilCycling at Tagaytay City, sa pangunguna ni Philippine Olympic Committee president Rep. Abraham “Bambol” Tolentino.

“Breaks of the game,” sabi ni Caluag, 36, na hindi huminto sa pagsasanay sa US habang isinasabay ang kanyang propesyon bilang isang Registered Nurse— tinatapos niya ang kanyang Nursing Administration Masters—at pagiging ama sa dalawang anak at mister kay dating BMX racer Stephanie, na isa ring nurse sa US.

Nakapasok si Coo, dating Asian junior champion, sa final at nasa komtensiyon para kunin ang unahan subalit naipit ng dalawang katunggali.

Hindi siya nakasingit sa unahan at sa huli ay tumapos na kulelat sa eight-rider final sa likod ni gold medalist Komet Sukpraser.

Awtomatikong nakuha nina Sukpraser at women’s elite winner Hatakeyama ng Japan ang automatic qualification sa Paris Olympics mula sa championships na sinaksihan nina ACC secretary -general Onkar Singh ng India at UCI management committee member Datuk Amarjit Singh ng Maalaysia.

Kinumpleto nina Indonesia’s Rio Akbar at Fasya Ahsana Rifki ang men’s elite podium, habang pumangalawa at pumangatlo sina Wanyl Liao ng China at Kanami Tanno ng Japan , ayon sa pagkakasunod, sa women’s elite race.

-CLYDE MARIANO