CALVIN ‘OUT’ NA SA PHOENIX?

on the spot- pilipino mirror

PANSIN ko lang, parang wala nang dapat patunayan ang San Beda Red Lions. Kasi ay pawang natalo na nila ang lahat ng teams sa NCAA. Walang dudang sila ang muling sisikwat ng kampeobato sa 95 season ng naturang tournament. Hindi kaya dapat ay mag-apply na sa UAAP ang San Beda dahil ‘yung husay ng team nila ay pang-UAAP na? Opinion ko lang naman ‘yun. Palagay mo, coach Boyet Fernandez.

vvv

Mukhang malakas ngayon ang UP Maroons. Sa dalawang sunod nilang laban ay kapwa dying ang panalo nila. Una silang nanalo sa Adamson, itong huli ay sa NU na ilang minuto na lang ang natitira nang talunin nila ang tropa ni coach Jamike Jarin. Iba ang dating nina Kobe Paras at Ricci Rivero. Ang tanong, taon na kaya ngayon ng  UP community? Mahaba pa ang giyera pero iba ang ipinakikitang lakas ng UP sa pangunguna nina Rivero at Paras na nagdadala sa laro ng koponan.

vvv

Iba naman sa bakuran ng National University na wala pang nakukuhang panalo. Ang Bulldogs ay 0-4 . Hindi na maganda ito sa paningin ng NU Community. Katunayan, sabi ni Shaun Ildefonso, nakamamanhid na ang laging talunan ang kanilang team. Hindi naman masama ang pagkatalo ng NU sa mga nakakaharap nila kasi hanggang sa huling sandali ay lumalaban sila. Sana nga ay makapag-uwi na ng panalo ang National University ni coach Jamike Jarin.

vvv

Sana ay makabalik na itong si Calvin Abueva, bigyan na ng chance ng PBA ang player na sobra nang nagsa-suffer. Hindi sa kinakampihan natin si Calvin na maging patas ang kampo ni commissioner Willie Marcial. Maraming nagsasabi na mas matindi ang ginawa ni SMB player Arwind Santos na nag-ala- monkey kumpara sa sumayaw lang na si Abueva sa ibabaw ng bangko matapos magantihan si import  Terrence Jones. Tsika namin, wala na si Abueva sa kampo ng Phoenix  Fuel Masters. Posible nga ba itong mapunta sa Rain or Shine o kaya ay sa NLEX Road Warriors? Kanino sa dalawang teams siya mapupunta? Abangan.

vvv

Buong akala ng mga miyembro ng media ay mas napaganda ang sitwasyon nila nang mapalitan ang dating humahawak ng isang torneo. Mas maganda pa pala ‘yung dati kumpara ngayon. Kung ‘yung dati ang reklamo ay ang pagkain nito na  burger at siopao, itong bagong nagpi-PR ay tipid, hindi lahat ay nakakakain. Ultimo tubig ay bilang. Pati ang mga gamit sa mga photographer sa print media ay pili. Mas ­priority umano nila ang school media at online. Kaya sa totoo lang,  kapansin-pansin na tinatamad mag-cover ang ibang photographers. Ibalik na ‘yung dati, mas ok pa pala sila. May isang mayabang lang doon na may tinitingnan, may tinititigan. Hindi na yata mawawala ang mga ganoong tao. Haaay, gising!

Comments are closed.