HUMATAW sa krusyal na sandali ang Cam From Behind para lagpasan ang umaribang Mommy Caring at La Liga Filipina tungo sa literal na ‘come-from-behind’ na panalo sa PHILRACOM Sampaguita Stakes nitong Linggo sa Metro manila Turf Club sa Malvar, Batangas.
Sakay ang multi-titled veteran jockey na si Kelvin “The Genius” Abobo, nanatili sa likuran ng mga naunang lider ang alaga ni Melaine Habla at sinanay ng pamosong trainor an si Ruben Tupas bago humirit sa huling ratsadahan para lagpasan ang mga karibal, kabilang ang humataw ring Isla Puting Bato sa karera na may distansiyang 2,000 metro.
Naiuwi ng kampeon mula sa lahi ng Havana at Miss Lemon Drop ang P1.2 milyon mula sa kabuuang P2 milyong papremyo.
Bumuntot sa kampeon ang Mommy Caring kasunod ang La Liga Filipina at Isla Puting Bato na nagbulsa ng premyong P450,000, P250,000, at P100,000, ayon sa pagkakasunod-sunod.
Naitala ng Cam From Behind ang tiyempong 2:07.2 (25’-26-24’-23-28).
“We have just witnessed a very exciting race with the outcome decided only in the final strides. Expect more of such in the weeks to come as the industry gears up for the big events which is a trademark of every final trimester of the year,” pahayag ni Philracom Chairman Reli de Leon.
“We at the Philracom are also inviting everyone to the upcoming 1st Philippine Horseracing and Breeding Expo this coming October 14-16 at the San Lazaro Business and Leisure Park which will have several features of great interest to the bayang karerista and the public in general,” aniya.
EDWIN ROLLON