CAMANAVA LGU HANDA RIN SA BAGYO

CAMANAVA-OMPONG

NAKAHANDA na ang lokal na Pamahalaang Lungsod ng Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela Cities sa pananalasa ng bagyong Ompong.

Sa Caloocan City, inatasan na ang lahat ng disaster preparedness offices na maging alerto 24/7 at ang mga Rescue Task Force na mabibigay ng tulong at maghanda ng mga City Mobile Kitchen at mga relief goods para sa lahat na mga residenteng maaapektuhan.

Maging ang Malabon City ay nakaantabay na rin ang kanilang malalaking mga rescue vehicle at may mga nakahanda na rin na mga relief goods. Pinayuhan din ni Mayor Len-Len Oreta ang mga residenteng madaling lumubog sa baha na maging alerto at agad lumikas sakaling magsimula nang tumaas ang tubig.

Ganun din sa Navotas City, inatasan na ni Mayor John Rey ­Tiangco ang buong puwersa ng disaster preparedness office na maging alerto 24/7. Pinayuhan din nito ang lahat ng mga nakatira malapit sa ilog o dagat na makipag-ugnayan sa barangay para sa evacuation. Aniya, prayoridad nila ang kaligtasan ng lahat at inaasahan nila ang kooperasyon ng mga ito.

Ipinag-utos din ni Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian sa lahat ng disaster preparedness office ang paghahanda at maging alerto kung saan maagang nagpakalat ang alkalde ng malalaking truck at mga rescue vehicle sa iba’t ibang lugar sa lungsod.       VICK TANES

Comments are closed.