CAMBODIA SEAG TORCH RELAY KUMISLAP SA TAGAYTAY CITY

BALIK ang diwa at kasayahan ng Southeast Asian Games sa Tagaytay City kahapon ng umaga kung saan nagsalitan ang mga atleta at sports at foreign dignitaries sa pagdaraos ng Torch Relay para sa hosting ng Cambodia sa 32ndedition ng Games sa Mayo.

Mula kay Cambodia’s Tourism Minister Hor Sarun hanggang kay Cambodian Ambassador to the Philippines Phan Peuv, ang torch ay ipinasa kay Philippine Olympic Committee (POC) President Abraham “Bambol” Tolentino, na nagbalik bilang mayor ng Tagaytay City na noong 2019 ay naging host ng cycling at skateboarding competitions ng 30th SEA Games.

“We warmly welcome the SEA Games Torch which is now celebrating Cambodia’s first-time hosting of the games,” ani Tolentino. “Just like in our SEA Games hosting in 2019, we value this celebration not only for sports but for peace and camaraderie in the region.”

Ang Torch Relay ay nagsimula sa De los Reyes Avenue sa harap ng Tagaytay City BMX and Skate Park, dumaan sa Mahogany Road at bumalik sa parehong Start/Finish area via Isaac Tolentino Avenue.

Dinala ng mga atleta sa cycling, taekwondo, football, kickboxing at boxing ang torch kasama sina Philippine Paralymic Committee head Mike Barredo at Commissioner Walter Torres ng Philippine Sports Commission.

Pagkatapos ay dinala ni Chito Loyzaga, Team Philippines’ chef de mission sa Cambodia SEA Games, ang torch sa penultimate 14thstation bago tinapos ng Cambodian delegation ang seremonya sa masayang musika na ipinagkaloob ng Tagaytay City drum and bugle band.

Ang Cambodia SEA Games ay gaganapin sa May 5-17 kung saan magpapadala ang bansa ng 840 atleta na sasabak sa 608 events sa 38 sports.

Ang motto ng Cambodia sa Games na “Live in Peace” ay pasok sa pananaw ni Tolentino sa regional event.

“Everybody will be competing for medal, but that’s secondary. Building friendship among Southeast Asian nations is the primary objective of the Games,” dagdag ni Tolentino.

Sinimulan ng Cambodia ang Torch Relay noong nakaraang Miyerkoles sa World Heritage Site Angkor Wat sa Siem Reap at ipinasa ang apoy sa Vietnam, ang host noong nakaraang taon.

Matapos ang Pilipinas, ang torch ay tutungo sa Brunei, Timor Leste, Malaysia, Singapore, Thailand, Myanmar at Laos bago bumalik sa Cambodia sa April 27.