CAMPAIGN MATERIALS PINABABAKLAS NA

CAVITE – BINIGYAN ng 3-araw na palugit ng Department of Interior and Local Government ang lahat ng local government unit (LGUs) partikular na sa lalawigang ito na baklasin ang kani-kanilang campaign materials na isinabit o idinikit sa iba’t ibang lugar at linisin ang ginamit na polling precincts matapos ang 2022 National and Local Elections sa bansa.

Sinasabing nakasaad sa direktiba ng DILG na magmumultahin o bibigyan ng ‘show cause notice’ naman ang mga LGU na hindi makasusunod sa nasabing memorandum order.

Samantala, nai­proklama ng Comelec ang mga kandidatong nanalo sa partikukar na sa Imus City isang araw makalipas ang halalan kung saan sinimulan na rin baklasin ang campaign materials kahapon ng umaga.

Kabilang sa mga nanguna sa pagbaklas at paglilinis sa mga basurang dulot ng kampanyahan partikular ang campaign materials ng Team AJAA na nakopo ang lahat ng posisyon sa LGU.

Katuwang ang City Environment and Natural Resources Office (CENRO) ay pinaalis ang mga poster at tarpaulin ng mga winning candidates sa Imus City.

Gayunpaman, sa pag-iikot ng Pilipino Mirror sa mga lungsod ng Bacoor, Dasmarinas, General Trias City at sa mga bayan ng Amadeo at Silang ay nanati­ling nagkalat pa rin ang campaign materials na nakadikit sa magkabilang pader sa kahabaan sa iba’t ibang panig ng kalsada.

Sa panayam ng Pilipino Mirror sa ilang residente na naatasang magdikit ng posters ng mga kandidato ay sinasabing wala pang abiso sa kanila kung kailan babaklasin o kaya naman walang pondo na ibabayad sa kanila sa nasabing gawain. MHAR BASCO