CAMPAIGN MATERIALS SA MGA OSPITAL PINABAKLAS NG DOH

DOH

IPINATANGGAL  na ng Department of Health (DOH) ang lahat ng posters na maitutu­ring na “campaign paraphernalia” sa mga government hospital, bilang pagtalima sa kautusan ng poll body.

Ito, ayon kay Commission on Elections (Comelec) Spokesperson James Jimenez,  ang tiniyak sa poll body ni Health Secretary Francisco Duque III.

Sinabi ni Jimenez na nagpalabas na si Duque ng memorandum order na may petsang Marso 25, 2019 at nag-aatas sa pagtatanggal ng mga Malasakit Center posters kung saan makikita ang larawan ni administration Senate bet Christopher “Bong” Go, na dating special assistant ni Pa­ngulong Rodrigo Duterte.

Nabatid na ang Malasakit Centers ay proyektong isinulong ni Go upang magbigay ng ayuda sa mga taong humihingi ng tulong pinansiyal sa pamamagitan ng mga programa ng pamahalaan.

“In a memorandum dated 25 March 2019, Department of Health (DOH) Secretary Francisco T. Duque III reiterated to all DOH officials and employees the policy against visual displays and campaign paraphernalia in all DOH Centers for Health Development, Medical Centers and other Public Buildings,” ani Jimenez.

“With this, Secretary Duque has assured the Comelec that all officials and employees will comply with all relevant Comelec Rules and Regulations in relation to the May 13, 2019 National and Local Elections,” aniya pa.

Mahigpit na ipinagbabawal sa Omnibus Election Code ang paggamit sa pondo, gamit at pasilidad ng pamahalaan sa anumang election campaign o partisan political activity.

Sa panig naman ni Go, sinabi nito na ilang ulit na siyang nanawagan na alisin ang kanyang mga larawan sa mga poster at tarpaulin.

Aniya, sa halip na gamitin sa mga poster at tarpaulin ay gamitin na lang ang pera sa pagtulong sa mga nanga­ngailangan. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.