SANA all! Ito marahil ang nasa isip ngayon ng iba’t ibang environmental groups habang nasa kasagsagan ng kampanya ang mga tumatakbong kandidato para sa 2022 elections matapos magdeklara si senatorial aspirant at dating Speaker Alan Peter Cayetano na hindi siya dadagdag sa problema ng basura ngayong halalan dahil sa inilunsad nyang eco-friendly campaign trail.
Kung ang iba’t ibang grupo ng mga kandidato ay nagrereklamo kapag binabaklas ng Comelec ang kanilang campaign materials, si Cayetano lang yata ang payapa ang loob at walang iniisip na pressure tungkol dito dahil wala siyang flyers, posters, at iba pang traditional campaign materials na naglipana sa mga kalsada at nakapako sa mga punongkahoy sa mga tabi ng daan. Maging ang kinaugaliang motorcade ay hindi na rin ginagawa ngayon ni Cayetano bilang pag-agapay sa kasalukuyang estado ng ating kapaligiran. Sa mga digital platform ngayon umaarangkada ang kampanya ng dating speaker kasabay ng pakiusap sa kanyang mga tagasuporta na tulungan siya sa kanyang desisyon.
Kaya naman pinuri at binigyang halaga ng Ecowaste Coalition ang hakbang na ito ni Cayetano dahil ayon kay Jove Benosa, campaign officer ng Zero Waste Coalition ito ay nagpapahayag ng malalim na pagkalinga ni Cayetano sa kalikasan at mahalagang misyon na gawing mas malinis, ligtas, at maayos ang kampanya hanggang sa araw ng halalan.
Hinikayat ng Ecowaste Coalition ang ibang mga kandidato na tularan ang ginawa ni Cayetano at maghayag ng plataporma at plano para sa kapaligiran lalo na at isa ang Pilipinas sa mga apektado ng climate change. Ani Benosa, maganda kung ang bawat kandidato ay may malinaw na plataporma at kongkretong ambag o sagot sa lumalalang problema sa polusyon at environmental crisis.
Aba’y mantakin n’yo ba naman na lumolobo pala mula 30% to 40% ang basurang naiipon tuwing halalan dahil sa sangkaterbang campaign materials na nakakalat lalo na sa mga kalsada sa buong bansa. Ito ay maliban pa sa tinatayang 16.6 metriko toneladang basura na naiipon taon taon sa Pilipinas kaya naman ang ating bansa ang ikatlo sa pinakamalalang solid waste polluter sa buong Southeast Asia. Matindi! Grabe ang problema natin sa basura mga kaibigan.
Kung iisispin natin, hindi lang ang krisis ng basura ang lumalala tuwing panahon ng halalan dahil sa mga nagkalat na campaign materials na ito. Aba’y kahit saan mapako ang paningin mo, malamang sa hindi may mga nakabalandrang posters ang mga kandidato ang makikita mo. Pati ‘yung mga puno hindi rin nakakaligtas. PInapakuan ng campaign materials kahit ipinagbabawal ng batas. Dagdag trabaho rin para sa ating mga basurero at nagbabantay ng kalikasan ang dulot ng campaign materials na ito kaya dapat ay talagang pag-isipan na ng ibang kandidato kung ito ba talaga ang direksiyong tinatahak ng kanilang pagtakbo.
Kaya naman, aprub tayo sa panawagan ng Ecowaste Coalition sa mga botante na dapat nilang tingnan kung paano mangampanya ang mga kandidato dahil ito ay repleksyon ng kanilang karakter. Dapat pong maging sukatan ito ng ating mga mamamayang botante sa pagpili ng bawat tumatakbong kandidato sapagkat ito ay repleksyon ng personal na katauhan ng kandidato, at sumasalamin sa malinaw na bitbit nilang programa sa kalikasan at lumalalang problema ng polusyon sa ating bansa.
Tumanda na tayo’t lahat sa pagsubaybay sa galawang pulitika sa bansa pero ngayon pa lang nangyari na ang isang kandidato na tumatakbo sa national position ay hindi mag-iimprenta ng traditional campaign materials para sa kalikasan.Mabuhay ka Senador Alan! Sana mabasa ka ng ulan at dumami pa kayo.