MAAARI umanong ipatigil ng mga awtoridad ang mga campaign rallies na isasagawa ng mga kandidato ng walang kaukulang permit.
Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Undersecretary at Spokesperson Jonathan Malaya, ang mga concerned election officer ay may kapangyarihan na ipatigil ang naturang aktibidad kung wala itong permiso.
“Kung wala pong permit ay pwede pong pagbawalan. Puwede pong mag-utos ang election officer na pigilan ang kahit anumang campaign activity na walang kaukulang permiso,” pahayag ni Malaya sa isang panayam.
Sinabi pa ni Malaya na ang campaign committees ng Commission on Elections (Comelec) ang in-charge sa pagkakaloob ng permits para sa mga in-person political activities.
Aniya, binubuo it ng mga election officer, city health officer, chief of police, military head at DILG official.
Ayon kay Malaya, 72-oras bago isagawa ang campaign activity ay kailangang magsumite ng aplikasyon ang politiko o kanyang partido o duly authorized representatives sa tanggapan ng Comelec.
Ani Malaya, kung ang kandidato ay tumatakbo sa national elections, gaya ng pangulo, bise presidente, senador at party-list groups, sila ay kailangang magsumite ng aplikasyon sa regional Comelec office.
Kung tumatakbo naman sa pagka-gobernador, bise gobernador, at district congressman ay sa provincial Comelec sila maaaring maghain ng aplikasyon para sa permit.
Para naman sa mga tumatakbo sa pagka-alkalde, bise alkalde at iba pang local positions, sila ay dapat na humingi ng permit sa city o municipal Comelec.
Dagdag pa ng opisyal, kung magsasagawa ng motorcade, kailangan ding manghingi ng permit sa concerned LGU, na siyang magiging attachment sa aplikasyong isusumite sa Comelec.
EVELYN GARCIA