NANAWAGAN sa publiko ang Commission on Elections (Comelec) na tulungan silang bantayan ang mga kandidatong lalabag sa mga panuntunang ipinatutupad ng ahensiya para sa panahon ng kampanyahan.
Ang apela ni Comelec Spokesperson James Jimenez ay kasunod na rin ng pormal nang pag-arangkada kahapon ng campaign period para sa senatorial at partylist groups kaugnay ng May 13 National and Local Elections.
Ayon kay Jimenez, ngayong pormal nang nagsimula ang panahon ng kampanyahan ay bawal na ang pagpapaskil ng campaign materials sa mga lugar na hindi deklaradong common poster areas.
Hindi rin pinapayagan ng poll body ang paggamit ng campaign materials na mas malaki sa sukat na itinatakda ng Comelec Resolution No. 10488.
Nilinaw naman nito na kahit sino ay maaaring mag-report sa Comelec ng mga illegal campaign materials, sa pamamagitan ng pagkuha ng larawan nito at pagpapaskil sa social media, gamit ang hashtag na ‘#SumbongSaComelec.’
Dapat din umanong tukuyin ng sender kung paano nalabag nito ang guidelines ng Comelec at ilagay sa caption kung saan matatagpuan ang naturang illegal campaign material.
Una nang naglabas ng notice ang Comelec sa mga kandidato na baklasin ang kanilang campaign materials sa mga lansangan bago ang pagsisimula ng kampanya.
Gayunman, dahil napakarami ng mga naturang nakakabit na campaign materials ay binigyan pa ng Comelec ng tatlong araw na grace period ang mga kandidato para baklasin ang mga ito.
Matapos ang naturang grace period ay sisimulan na umano ng Comelec ang pagdodokumento at pagbabaklas ng mga campaign propaganda ng mga kandidato sa mga lansangan.
“Siguro by Friday, a little past the actual grace period, magdo-document tayo sa mga major thoroughfares dito sa Metro Manila,” ani Jimenez.
Magtatagal hanggang sa Mayo 11 ang campaign period, o dalawang araw bago ang araw ng halalan, habang ang panahon naman ng kampanyahan para sa mga kandidatong tumatakbo sa local elections, kabilang ang mga kinatawan ng mababang kapulungan ng Kongreso at regional, provincial, city at municipal posts ay magsisimula naman sa Marso 29 at magtatagal din hanggang sa Mayo 11.
Suspendido naman ang kampanyahan sa Huwebes Santo at Biyernes Santo, na natapat sa Abril 18 at 19.
Hindi na rin papayagan ang pangangampanya sa May 12, na bisperas ng eleksiyon at sa mismong araw ng halalan. ANA ROSARIO HERNANDEZ