CAMPUS SAFETY TIPS

CAMPUS SAFETY TIPS

(ni CS SALUD)

SAAN man tayo naroroon, kaila­ngang sigura­duhin natin ang ating kaligtasan. Sa panahon ngayon ay tila wala na nga namang lugar na masasabing ligtas. Minsan nga, kahit na nasa bahay tayo, may nangyayari pang hindi inaasahan.

Kaligtasan, iyan ang pinakamahalaga sa lahat. Hindi nga naman ito dapat na ipagwalang bahala. Kaya naman, narito ang ilang paraan para mapanatiling ligtas ang mga estudyante lalong-lalo na kapag nasa campus o school sila.

IWASAN ANG PAGTITIG SA CELLPHONE KAPAG NAGLALAKAD

Hindi nga naman maiiwasan ng mga estudyanteng mahilig sa gadget o social media. Naging kasama na ang mga gadget at teknolohiya sa pang-araw-araw nating buhay.

Gayunpaman, dapat nating iwasan ito lalo na kapag naglalakad tayo para makaiwas sa disgrasya. Kaya hangga’t maaari, ihiwalay muna ang tingin sa cellphone o gadgets at ituon ang ­atensiyon sa paligid, nilalakaran o kinaroroonang lugar.

HUWAG BASTA-BASTA MAGBAHAGI NG IMPORMASYON

Bukod din sa kaila­ngan nating maging alerto kapag naglalakad, mahalaga ring iniingatan natin ang mga impormasyon tungkol sa sarili at pamilya.

Kaya naman, huwag basta-basta magbabahagi ng impormasyon sa social media. Oo nga’t mainam na platform ang social media para makakilala ng bagong kaibigan. Gayunpaman, tandaan nating hindi lahat ng makikilala natin sa social media ay may mabuting puso.

Dahil mahilig sa selfie ang mga estud­yante, iwasan din kaagad ang pagpo-post dahil sa pamamagitan nito ay maaaring ma-spot ang kinaroroonan mo ng masasamang loob.

IWASAN ANG PAGLALAKAD NANG WALANG KASAMA

Isa pa sa dapat na­ting iwasan ay ang paglalakad mag-isa. Hindi na safe ang paligid sa panahon ngayon kaya maghanap ng kasama kung lalabas ng bahay o maglalakad sa campus. O mas magandang huwag nang lumabas ng bahay kung hindi naman kailangan kapag gabi na o madilim na ang pali­gid. Kung may pupuntahan ding party, huwag pumuntang mag-isa. Kung may mga kasama namang kaibigan, huwag hihiwalay sa kanila.

ALAMIN ANG PASIKOT-SIKOT NG CAMPUS

Alamin ang pasikot-sikot ng bawat lugar, lalong-lalo na sa campus at daan pauwi ng bahay. Kailangang kabisado mo ito para anuman ang mangyari, may madaraanan ka o may lugar kang mapupuntahan. Alamin din ang mga bahaging madidilim at delikado para maiwasan ang pagtungo roon.

DOBLE INGAT SA GABI

Napakahalaga ring mas nagiging maingat tayo kapag nasa campus lalo na at gabi. Kapag gabi nga naman, maraming puwedeng mangyari. Tumataas din ang krimen sa ganitong mga oras kaya mahalaga ang ibayong pag-iingat.

MAGDALA NG EXTRA CASH

Kung minsan ay sakto lang ang perang dinadala natin kapag papasok sa eskuwelahan o may pupuntahan. Pero mas maganda kung may extra cash kang dala para anuman ang mangyari, may mahuhugot o magagamit kang pera.

Kung may extra kang pera, madali kang makapagdedesisyon sa mga hindi inaasahang sitwasyon.

PAG-ARALAN KUNG PAANO POPROTEKTAHAN ANG SARILI

Mahalaga ring ina­alam o pinag-aaralan natin kung paano natin poprotektahan o ide-defend ang ating sarili sa mga panahon o oras na hindi inaasahan. Kung may panahon at pagkakataon, magpaturo ng self-defense nang maging handa sa anumang panahon o pagkakataon.

Ilan lamang ang mga ibinahagi naming tips upang maging safe sa campus ang bawat isa. Huwag ding kaliligtaang i-save sa phone ang mga emergency number o contacts na maaaring tawagan sa orasan ng kagipitan.

Comments are closed.