CANADA KUMILOS NA SA BASURA

CANADA-PH FLAG

AGAD na kumilos ang Canadian Embassy sa Filipinas sa banta ni Pangulong Rodrigo Duterte na nakahanda siyang makipag-away kapag hindi hinakot pabalik ang kanilang basura na matagal nang natengga sa bansa.

Ayon sa pahayag ng Canadian Embassy, makikipagtulungan sila sa mga ahensiya ng gobyerno para resolbahin ang nasabing problema.

Dagdag pa ng Embahada ay kinikilala nila ang desisyon ng korte sa importer na nag-uutos ibalik ang mga basura sa Canada.

Iginiit ng Embahada  na matibay ang relasyon ng da­lawang bansa at nagkakaisa sa layuning patatagin ang relasyong politikal,  ekonomiya at maging ang kultura.

Mayroon  na umanong technical group mula sa magkabilang kampo na  nagsasagawa ng pag-aaral kung paano maiaalis ang basura na hindi makasasama sa kapaligiran.

Nilinaw  ng  Canada na  nagpapatupad na sila ng bagong panutunan sa hazar­dous waste shipments noong 2016 upang hindi maulit ang ganitong  pangyayari.

Nauna dito ay  nagbanta ang Pangulo sa  situation briefing sa Provincial Capitol sa San Fernando, Pampanga na mayroon na lamang hanggang sa susunod na linggo ang Canada para hakutin pabalik ang kanilang basura.

Kapag umano  hindi pa kinuha ng Canada ang kanilang basura ay siya mismo ang magpapadala nito sa naturang bansa sakay ng isang barko.

Tila kinakaya-kaya umano ng Canada ang Filipinas at hindi umano siya makapapayag sa ganitong trato sa mga Filipino.

“Awayin natin ang Ca­nada. We will declare war against them. Kaya man natin ‘yan sila. Isauli ko ‘yan talaga. Ikarga mo ‘yan sa barko and I will advise Canada that your garbage is on the way, prepare a grand reception. Eat it if you want to,” pahayag ng Pangulo.