CANADIAN OFFICIALS SINURI ANG PH CATALYSTE+MSME PROGRAM

KAUGNAY sa naging pagbisita ng mga opisyal ng Canada, sinuri ng mga ito ang progreso ng catalyste+ program sa Pilipinas.

Si Minister Rechie Valdez ng Canada’s Small Business Department ay sinamahan ni Canadian Ambassador David Hartman at Chair of the Canada-Philippines Inter-Parliamentary Group MP Marco Mendicino sa pagbisita sa Catalyste+ MSME partners, Magallanes Women’s Club Multi-Purpose Cooperative (MAWCO) at TIKME Food Processors Association sa lalawigan ng Ca­vite nitong Hulyo 23.

Ang pagbisita ay naglalayong talakayin kung paano higit na masusuportahan ng Canada ang mga layu­nin sa pagpapaunlad ng ekonomiya ng mga kasos­yo sa MSME.

Dahil dito, nagpahayag ng pasasalamat si DTI 4A Regional Director Marissa Argente sa pamahalaan ng Canada sa kanilang matatag na dedikasyon at pamumuno sa pagsusulong ng paglago ng MSMEs sa rehiyon.

Binigyang-diin ni Argente na ang suporta ng Canada ay napakahalaga hindi lamang sa pagpapadali sa tagumpay ng MSMEs kundi sa pag-aambag din sa mas malawak na pag-unlad ng ekonomiya at pagpapahusay ng komunidad.

Kinilala rin ni  Argente ang makabuluhan at mahalagang suporta ng MAWCO at TIKME sa iba’t-ibang programa at serbisyo ng gobyerno.

Binigyang-diin niya kung paano naging instrumento ang kanilang pagtutulungang pagsisikap sa pamahalaan sa pagkamit ng malaking pagpapabuti sa kanilang mga operas­yon sa negosyo.

Kasama rin sa dele­gasyon ang Embassy Head of Cooperation John Lok, Chief of Staff Kendra Wilcox, Director of Policy Chris Zhou at Catalyste+ country representatives Matt Navalta, Vner Velerio at Erwin Altamarino.

Mainit na tinanggap ang mga bisita ni Magallanes Mayor Jasmin Maligaya-Bautista, DTI Cavite Provincial Director Lilibeth R. Chavez at opisyal ng MAWCO at TIKME.

RUBEN FUENTES