CANCER CENTER PARA SA MAHIHIRAP ITATAYO SA MAYNILA

NAKATAKDANG itayo sa Lungsod ng Maynila ang isang makabagong Cancer Center na para sa mga Manilenyo na ilalagay sa compound ng Ospital ng Maynila.

Pangungunahan nina Manila  Mayor Honey Lacuna at Congressman Irwin Tieng (5th district) ang  groundbreaking ceremony ngayong Hunyo para sa itatayong Manila Cancer Center sa kabisera ng bansa.

Ito ang inanunsyo ni Tieng nang maging panauhin sa MACHRA Balitaan forum ng Manila City Hall Reporters’ Association (MACHRA) kung saan sinabi rin nito na kasama sa isasagawang groundbreaking si House Speaker Ferdinand Martin Romualdez, senior officials ng  Congress at pati na ang mga kinatawan ng Maynila sa Kamara  at ilan pang mga opisyal ng lungsod.

Ang kauna-unahang  MCC, ang siyang magbibigay ng kinakailangang serbisyo para sa mga may sakit na cancer nang libre.

Pinuri ng kongresista  ang pamahalaanf lungsod nang ilaan nito ang 2,000 square meters na lote para sa itatayong MCC.

Nabatid na ang  MCC ay itatayo sa loob ng  Ospital ng Maynila (OM) compound at ipapangalan sa yumaong dating Gov. Benjamin ‘Kokoy’ Romualdez, ama ni  Speaker Romualdez.

Ang  OM ay isa sa anim na  public hospitals na pinatatakbo ng pamahalaang lungsod at nagbibigay ng libreng serbisyo medikal sa lahat ng mga   residente ng Maynila.

Ang planong limang palapag na gusali ng  MCC ay magkakaroon ng mahahalagang kagamitan na kailangan ng mga pasyenteng may cancer.

At dahil hindi naman unlimited ang pondo ng MCC, magkakaroon muna ito  ng CT scan at linear accelerator para sa mga pasyente ng  non-invasive radiation therapy.

“Libre po siya sa lahat ng Manilenyo,” pagbibigay diin ni Tieng.

Sa bahagi naman ni Lacuna, ay pinasalamatan nito ang kongresista qsa itatayong MCC para sa hangarin makapagbigay ng mas malawak na serbisyong pangkalusugan lalo na sa mga walang kakayahang tustusan ito.

VERLIN RUIZ