CANCER FUND AYUDA NG DOH SA PUBLIKO

HANDA na ang Department of Health (DOH) na ipatupad ang Cancer Assistance Fund (CAF) na naglalayong magbigay ng suporta para sa mga pasyenteng tinamaan ng sakit na Kanser at para sa mga nakaligtas o cancer survivors.

Ito ay bilang bahagi ng National Integrated Cancer Control Act (NICCA) at alinsunod sa Special Provision No. 13 na inaprubahang badget ng DOH sa ilalim ng General Appropriations Act para sa Fiscal Year 2022.

Ayon sa DOH, ang implementasyon ng CAF ay sumasaklaw sa mga outpatient at inpatient services kabilang pero hindi limitado sa diagnostics, therapeutic procedures, medicines, treatment at management services at iba pang pangangalaga na nauugnay sa cancer patients.

Ipinatupad ang CAF upang umakma sa umiiral na financial support mechanisms sa publiko at pribadong pasilidad.

Ang walong tinukoy na pangunahing uri ng cancer na karapat-dapat na mapondohan ng CAF ay ang breast cancer, childhood cancer, gynecologic cancer, liver cancer, adult blood cancers, head and neck cancers, lung cancer, at prostate, renal, at urinary bladder cancers.

Upang makakuha ng CAF, ang pasyente at/o tagapag-alaga ay kailangang magsumite ng mga requirements sa mga natukoy na access site kung saan ang mga serbisyo ng CAF ay maaring makuha.

Kabilang sa mga kinakailangang dokumento ay ang mga reseta ,treatment protocols, at medical abstracts at dapat munang sumailalim sa pagsusuri bago ang pag-apruba at pag-avail ng mga serbisyo.

“As part of our efforts towards realizing Universal Health Care, the CAF was developed and implemented to increase the accessibility of specialty cancer care services to many of our kababayans afflicted with this disease. Sa ating mga mga pasyente, lagi ninyong tatandaan na ang Kagawaran ng Kalusugan ay laging handang maghatid ng tulong at serbisyong pangkalusugan sa bawat kababayan natin na apektado ng sakit na ito, saan mang sulok ng bansa,” ayon kay DOH OIC Secretary Dr. Maria Rosario Singh-Vergeire. PAUL ROLDAN