CANNABIDIOL SA EPILEPSY OKEY SA SENADO

tito sotto

SUPORTADO ni Senate President Vicente Tito Sotto III ang pag-apruba ng Dangerous Drugs Board (DDB) sa paggamit ng gamot na Cannabidiol (CBD) bilang gamot sa epilepsy.

Gayunpaman, nili­naw ni Sotto na ang kanyang suporta ay base sa assumption na ang paggamit nito ay “is in medicine form and conforms with DDB-PDEA (Philippine Drug Enforcement Agency) guidelines and permit.”

Dahil dito, sinabi ng senador na hindi na kailangan pang paglaanan ng oras ng Kongreso ang pagdinig sa mga panukalang batas na naglalayong gawing legal ang paggamit ng cannabis para sa layuning medikal.

Aniya, ngayong magkakaroon na ng resolusyon ang DDB tungkol sa medical use ng cannabis, dapat ay ituon na lamang  ng  Kongreso ang kanilang panahon sa panukalang mas makakatulong sa mas maraming Filipino.

Una nang sinabi ng DDB na aprubado na nila “in principle” ang isang resolusyong nagpapa­hintulot ng pagbebenta ng gamot na epidiolex – isang gamot na ginagamit para sa sakit na epilepsy.

Mayroon itong 0.1 percent ng Cannabidiol na nakukuha sa marijuana.

Paglilinaw ng DDB, ang naturang gamot lang at hindi ang marijuana o cannabis ang kanilang pinayagan sa bansa at ilegal pa rin ang recreational at medical marijuana. VICKY CERVALES

Comments are closed.