CANNED MEAT POSITIBO SA SWINE FEVER

CANNED MEAT

NAGPOSITIBO sa African swine fever (ASF) ang mga canned meat product na nakumpiska mula sa isang umuwing overseas Filipino worker (OFW) sa Clark Airport noong nakaraang Marso, ayon kay Agriculture Secretary Manny Piñol.

Tinukoy ang report ni Dr. Rachel Azul ng virology section ng Bureau of Animal Industry (BAI), sinabi ni Piñol na nadiskubre ang ASF sa mga nakumpiskang canned goods na iniuwi mula sa Hong Kong ng isang OFW noong Marso 25, 2019 sa Clark International Airport sa Clarkfield, Pampanga.

“The Bureau of Animal Industry (BAI) said the viral DNA was isolated in pork luncheon meat and was tested using the ASF Taqman PCR Asssay at the ADDRL (Animal Disease Diagnostic Laboratory),” sabi ni Piñol sa isang post sa Facebook.

Sa kabila ng pagkakatuklas sa virus sa mga nasamsam na canned meat products, sinabi ni Piñol na nananatiling ligtas sa ASF ang Filipinas.

“So far, no African swine fever infections have been reported in pigs in the country,” aniya.

“The seizure is a warning for the industry and an acknowledgment of the catastrophic threat on our doorsteps.”

“If introduced, ASF would have a significant impact on pig health and production and contribute to enormous economic losses,” dagdag pa ni Piñol.

Inulit ni Piñol ang kanyang babala laban sa pagpapasok ng pork at pork products mula sa ASF-infected countries sa Filipinas.

“Kung nakalusot po ito at naipakain sa mga alagang baboy ang tira-tira, maaaring kumalat ang sakit sa ating mga babu­yan at magiging sanhi ng pagkasira ng ating hog industry,” aniya.

“Doon po sa mga nagsasabing nag-o-over react lang kami at nagrereklamo sa mga mahigpit na quarantine protocols, ito po ang patunay na mayroon talaga tayong kinakaharap na panganib. Huwag na po tayong maging pilosopo at matigas ang ulo. Sumunod po tayo sa mga quarantine officer sa mga airport. Bawal na po magpasok ng mga delata at processed pork products sa bansa.”

Comments are closed.