CANVASSING NG MGA KANDIDATO SA PAGKA-PRESIDENTE AT BISE PRESIDENTE SIMULA SA MAYO 24

SA darating na Mayo 24, 2022 ang simula ng canvassing o pagbibilang sa mga boto ng mga kandidato sa pagkapangulo at ikalawang pangulo sa katatapos lamang na halalan.

Sa naganap na pagpupulong, nagkasundo ang mga opisyal ng Senado at Kamara sa pagbabalik-sesyon sa Mayo 23 ay magko-convene ang dalawang kapulungan bilang National Board of Canvassers o NBOC.

Sa umaga ng Mayo 23 ay ibibiyahe o ililipat ang mga ballot box na naglalaman ng certificates of canvass o COCs at election returns o ERs mula sa tanggapan ng Senado sa lungsod ng Pasay tungo sa Batasan Pambansa o sa Kamara sa Quezon City.

Ang “canvassing proper” ay gagawin sa Mayo 24, alas-2:00 ng hapon.

Habang sa Mayo 25 hanggang 27, ang canvassing ng NBOC-Cong­ress ay mula 10:00 ng umaga hanggang 10:00 ng gabi.

Alinsunod sa Konstitusyon, ang NBOC-Cong­ress ang magbibilang ng mga boto at kinalauna’y magpoproklama ng nanalo at bagong presidente at bise presidente ng bansa. JEFF GALLOS