IPINAGPALIBAN muna ng Commission on Elections (Comelec) ang isinasagawang canvassing of votes para sa ikalawang round ng plebisito para sa inklusyon ng mga karagdagang lugar sa ilalim ng Bangsamoro Autonomous Region (BAR), na idinaos sa ilang lugar sa Mindanao noong Pebrero 6.
Binuksan ni Comelec Chairman Sheriff Abas ang sesyon sa National Plebiscite Board of Canvassers dakong 10:00 ng umaga kahapon, ngunit ito’y upang ideklara lamang ang recess sa bilangan.
Hindi nakakarating sa punong tanggapan ng Comelec sa Intramuros, Manila, ang mga certificates of canvass (COC) mula sa mga lugar na sakop ng plebisito sa Lanao del Norte at North Cotabato.
Itinakda na lamang muli ni Abas ang pagpapatuloy ng canvassing ng mga boto sa Pebrero 11, dakong 2:00 ng hapon.
Matatandaang nitong Enero 21 ay naratipikahan na ang Bangsamoro Organic Law (BOL) matapos na manalo ang ‘yes vote’ para sa ratipikasyon ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) sa unang round ng plebisito.
Sa ikalawang round naman ng plebisito ay tutukuyin kung ano-anong lugar ang makakasama sa BAR.
Sakop ng ikalawang round ng plebisito ang anim na munisipalidad ng Lanao del Norte kabilang ang Baloi, Munai, Nunungan, Pantar, Tagaloan at Tangkal, gayundin ang 39 barangay ng mga munisipalidad ng Aleosan, Carmen, Cabacan, Midsayap, Pigkawayan, at Pikit, sa North Cotabato. ANA ROSARIO HERNANDEZ