NAIS ni Senador Win Gatchalian na mahikayat ang mas maraming Pilipino na mamuhunan sa lokal na capital at debt market sa pamamagitan ng pagpapasimple ng pagbubuwis sa passive income at financial intermediary taxes.
Ani Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Ways and Means, ang Senate Bill 1347 o ang Passive Income and Financial Intermediary Taxation Act (PIFITA) ay makababawas sa halaga ng pagpapalaki ng kapital at utang sa pamamagitan ng pagbabawas ng bilang ng tax bases at rate ng buwis na angkop sa passive income, financial intermediaries, at financial transactions. Ang layunin ng panukalang batas ay gawing patas sa lahat ng mga manlalaro sa industriya ang isang mas maiging pricing information sa pamamagitan ng pag-alis ng mga tax-induced distortions.
“Kailangang bigyang-katwiran ang pagbubuwis sa sektor ng pananalapi o financial sector upang magbigay ng mas mahusay na pricing information sa merkado tungo sa pangmatagalang paglago at pag-unlad ng ating ekonomiya,” sabi ni Gatchalian.
Kapag naisabatas na, babawasan nito ang bilang ng final withholding tax rates, pag-iisahin ang tax rates sa passive income, iha-harmonize ang business taxes sa financial intermediaries, at ira-rationalize ang documentary stamp tax.
“Umaasa tayo na ang panukalang ito ay magpapahusay sa capital at debt market at maghihikayat sa mas maraming Pilipino na mamuhunan sa financial market,” pagbibigay-diin ng senador.
Sinabi ni Gatchalian na ang Pilipinas ay nakakuha lamang ng 2.25 mula sa posibleng puntos na 5 sa 2017 Mckinsey Asian Capital Markets Development Index. Batay sa parehong pag-aaral, ang halaga ng pagtataas ng equity sa bansa ay higit sa 14%, kadalasan dahil sa tinatawag na friction cost, na siyang direct o indirect costs na nauugnay sa pagpapatupad ng isang financial transaction, kabilang ang mga buwis, komisyon, at iba pang bayarin.
“Malaki ang papel ng ating financial sector sa pangmatagalang paglago ng pambansang ekonomiya. Ang panukalang batas na ito ay isang pagkilala sa pangangailangan ng isang mas simple at patas na pagbubuwis sa mga transaksyon na may kinalaman sa ating mga capital at debt markets,” pagtatapos ni Gatchalian.
VICKY CERVALES