CARACUT PBAPC PLAYER OF THE WEEK

ISA si Andre Caracut sa mga sandigan ngayon ng Rain or Shine.

Sa kanyang ikatlong season sa franchise na pumili sa kanya sa second round ng 2021 PBA Draft, ang 5-foot-11 guard ay may mas aktibong papel sa rotation ni coach Yeng Guiao kung minsan bilang starter, subalit kadalasan ay siyang tumatapos sa laro.

At ginawa niya ito sa all-important 119-112 win ng Elasto Painters laban sa TNT Tropang Giga na nagbigay sa koponan ng isang puwesto sa quarterfinals ng Commissioner’s Cup.

Naitala ng dating UAAP Rookie of the Year mula sa De La Salle ang walo sa kanyang 23 points sa  fourth quarter at naging bahagi ng unit na kumana ng 11-0 run sa homestretch para selyuhan ang panalo.

Nagdagdag si Caracut ng 4 assists at 2 rebounds sa ika-5 sunod na panalo ng Rain or Shine sa  isang kahanga-hangang turnaround mula sa 0-5 simula ng Elasto Painters sa season.

Ang mga numero at ang malaking papel ni Caracut sa panalo kontra TNT ay nagbigay sa kanya ng PBA Press Corps-Pilipinas Live Player of the Week award para sa Jan. 5-7 period.

Naungusan ng 28-year-old guard si Chris Newsome ng Meralco sa mahigpit na botohan ng mga nagko-cover sa PBA beat para sa weekly honor.

Si Newsome ay naging kandidato makaraang gumanap din ng mahalagang papel sa  85-80 upset ng Bolts sa no. 1 team Magnolia sa out-of-town game sa Iloilo City.