HINAMON ni Commission on Elections (Comelec) Director James Jimenez si Duterte Youth Partylist 1st nominee Ronald Cardema na ituloy ang mga patutsadang labanan si Comelec Commissioner Rowena Guanzon.
Ito ay kasunod ng ‘di pagkilala ng Comelec kay Cardema bilang kinatawan ng nanalong Duterte Youth Partylist na patuloy na inilalaban ni Cardema.
Sa ginanap na News and Nuances Kapihan at Almusal sa Nanka, Quezon City, sinabi ni Jimenez na ang problema ni Cardema ay hindi niya alam ang tamang procedure na sinusunod ng Comelec pagdating sa partylist system.
Ipinunto rin ni Jimenez na huli na rin ang ginawang paghabol ni Cardema nang bigla nitong palitan ang kanyang kinakatawan na mula sa pagiging youth ay naging young professionals sa kanilang partylist sa gitna ng nakabinbing kaso nito dahilan sa usapin ng kanyang edad na mariing tinutulan ng mga commissioner.
Hiniling din ni Jimenez na patunayan ni Cardema ang mga akusasyon laban kay Guanzon na nanuhol umano ito ng halagang P2 milyon gamit ang isang emisaryo sa Kongreso.
Pinagtataka ni Jimenez na sa una pa lamang ay mali na ang ginawa nitong pag-bribe sa isang commissioner ng Comelec kapalit ang kanyang pagkapanalo bilang partylist representative.
Nauna rito, nagbanta si Cardema na ikakasa ang impeachment complaint laban kay Guanzon, subalit hanggang ngayon ay wala pa ring aksiyon ang naturang nagrereklamo. BENEDICT ABAYGAR, JR.
Comments are closed.