CARDEMA UMATRAS NA BILANG KINATAWAN NG DUTERTE YOUTH PARTYLIST

Ronald Cardema

UMATRAS na sa kanyang nominasyon upang maging kinatawan ng Duterte Youth Partylist sa Kongreso si dating National Youth Commissioner Ronald Cardema.

Ipinaskil ni Commission on Elections (Comelec) Commissioner Rowena Guanzon sa kanyangTwitter account ang  notice of withdrawal na in-ihain ni Cardema sa poll body.

Sa naturang notice, ipinarating nito ang kanyang intensiyon na umatras na bilang first nominee ng naturang Party-List group.

Isinisi naman nito ang kanyang pag-atras sa harassment umano ni Guanzon, na inalmahan naman ng commissioner.

Ayon kay Cardema, bagama’t binoto sila ng higit sa 350,000 ng mga Filipino noong nakalipas na May 13 midterm polls, ay hindi pa rin sila naipoproklama sa Kamara hanggang sa kasalukuyan.

Ipinaliwanag niyang bagama’t umaasa silang papanig sa kanilang Motion for Reconsideration ang Comelec en banc at poprotektahan aniya sila mula sa harassment ng inaakusahang Commissioner, mas minabuti na niyang mag-withdraw sa kanyang nominasyon at isakripisyo ang sarili para sa kanilang partido.

Ayon kay Cardema, ito ay para makapagpalabas na rin ang Comelec ng Certificate of Proclamation sa aprubadong nominee ng poll body.

Nauna nang kinuwestyon ng iba’t ibang grupo ang legalidad ng pagiging 1st nominee ni Cardema ng Duterte Youth Partylist dahil sa pagiging overaged.

Sinabi naman ni Guanzon na wala pang desisyon ang Comelec en banc sa notice of withdrawal ni Cardema, ngunit binatikos si Car­dema dahil sa paninisi na naman sa kanya. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.