CARDINAL TAGLE BINIGYAN NG BAGONG PUWESTO SA VATICAN

Tagle

PINAGKALOOBAN  muli ni Pope Francis ng bagong puwesto sa Vatican si Cardinal Luis Antonio Tagle.

Sa ulat ng maimpluwensiyang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), si Tagle ay itinalaga ng Santo Papa bilang miyembro ng Pontifical Council for Inter-religious Dialogue kasama ang lima pang ibang cardinal.

Nabatid na ang Pontifical Council for Inter-religious Dialogue, ang central office ng Simbahang Katolika na nangunguna sa promosyon ng pagkakaunawaan sa pagitan ng iba’t ibang relihiyon sa mundo.

Kabilang si Tagle at ang lima pang cardinal sa 22 bagong itinalaga rito kabilang ang pito pang arsobispo at siyam na obispo.

Pangunahing tungkulin ng organisasyon ang pagsasagawa ng mga diyalogo sa pagitan ng iba’t ibang lokal na simbahan, pagsasagawa ng assembly kada dalawa o tatlong taon at bumisita sa mga lokal na simbahan.

Si Spanish Cardinal Miguel Angel Ayuso Guixot na naitalaga noong Mayo 2019, ang kasalukuyan nitong pangulo.

Matatandaang noong Mayo, itinaas ni Pope Francis si Tagle sa ranggong cardinal-bishop, ang pinakamataas sa College of Cardinals.

Kasunod ito ng pagkakatalaga sa kanya ng Santo Papa sa Vatican noong Disyembre 2019 bilang prefect ng Congregation for the Evangelization of People’s, ang ‘missionary arm’ ng Simbahang Katolika.

Bago naitalaga sa Vatican, si Tagle ay nagsisilbi bilang arsobispo ng Archdiocese of Manila. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.