ITINALAGA muli ni Pope Francis si Cardinal Luis Antonio Tagle, na kasalukuyang prefect ng Congregation for the Evangelization of Peoples, sa panibagong puwesto sa Vatican.
Nabatid na si Tagle, na dating arsobispo ng Archdiocese of Manila, ay ini-appoint ng Santo Papa bilang isa sa dalawang bagong miyembro ng Administration of the Patrimony of the Apostolic See (APSA), kasama si Cardinal Peter Kodwo Appiah Turkson, prefect ng Dicastery for Promoting Integral Human Development.
Ayon sa Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), ang APSA ay ang entity na nag-o-operate sa tinatawag na ‘central bank’ ng Vatican o katumbas ng ‘treasury’ at siya ring nangangasiwa sa real estate holdings at iba pang sovereign assets nito.
Ang APSA ay pinamumunuan ni Italian Bishop Nunzio Galantino, at siya ring nangangasiwa sa payroll at operating expenses para sa Vatican City na mayroong daan-daang empleyado at collaborators, at isang commission ng walong cardinals.
Pebrero 2020 nang magtungo sa Vatican si Tagle para pamunuan ang Congregation for the Evangelization of Peoples o Propaganda Fide.
Noong May 2020 naman, naiangat siya sa order bilang “cardinal bishops,” na pinakamataas na ranggo sa College of Cardinals.
Noong Hulyo, si Tagle ay pinangalanang miyembro ng Pontifical Council for Interreligious Dialogue.
Nasa kanyang ikalawang termino na rin siya bilang pangulo ng Caritas Internationalis, na isang konpederasyon ng Catholic charities sa buong mundo. Ana Rosario Hernandez
Comments are closed.