CARDINAL TAGLE MANGUNGUNA SA MARCH FOR MARY AND FILIPINO FAMILY

Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle

MISMONG si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang mangunguna sa pagdiriwang ng banal na misa para sa ‘March for Mary and Filipino Family’ ngayong Linggo, Disyembre 8.

Kasabay nito ang pagdiriwang ng kapistahan ng Immaculada Concepcion o ang kalinis-li­nisang pag­lilihi kay Maria.

Ayon kay Rita Dayrit, Pangulo ng Pro-life Philippines Foundation Inc., layunin ng pagtitipon na makapagbigay-pugay ang mga mananampalataya sa mahal na birheng Maria, bilang inspirasyon ng bawat pamilyang Filipino.

Ani Dayrit, isang paraan din ito upang maimulat ang mamamayan sa mga usaping banta sa kasagraduhan ng pamilya.

Nanindigan pa siya na ang pamilyang Filipino ang pundasyon at daluyan ng mga biyaya at pag-unlad ng buong Filipinas.

“The March is intended to celebrate the life of Mama Mary as an inspiration to the life of the Filipino family. It is likewise an expression of our collective desire to honor the sanctity of the family as it faces political, economic, cultural and moral challenges. We wish to further manifest that the Filipino family is the foundation and likewise the channel of blessing and prosperity for the entire nation,” pahayag ni Dayrit, sa church-run Radio Veritas.

Samantala, bukod kay Tagle, nagpahayag na rin ng pakikiisa sa March for Mary and Filipino family si Lipa Archbishop Gilbert Garcera, pangulo ng Catholic Bishop Conference of the Philippine-Episcopal Commission on Family and Life.

Ipinagdarasal ni Garcera na ang aktibidad ay magsisilbing malakas na mensahe na ang buhay at pamilya ay sagrado na nararapat ipagtanggol at ipaglaban.

Nabatid na ang aktibidad ay magsisimula sa Malate church, sa Malate, Manila ganap na 6:00 ng umaga, kung saan magmamartsa ang mga mananampalataya patungong Manila Cathedral sa Intramuros, Manila.

Ang martsa ay susundan ng isang banal na misa, na pangungunahan ni Tagle, ganap na 8:00 ng umaga.

Inaanyayahan naman ni Tagle ang mga mana­nampalataya na makiisa sa pagtitipon at ipakita ang pagsuporta upang mapagtibay ang kasagraduhan ng bawat pamilyang Pilipino. ANA ROSARIO HERNANDEZ