MAHALAGA ang buhay ng tao sa mata ng Diyos.
Ito ang ipinaalala ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa mga mananampalataya matapos na pangunahan ang isang banal na misa, na ginanap sa Parola 58, Binondo Manila nitong Miyerkoles Santo.
Sa kanyang homiliya, binigyang-diin ni Tagle na walang katumbas na halaga ng salapi ang buhay ng tao sapagkat ito ay biyayang ipinagkaloob ng Panginoon sa bawat isa.
“Ang halaga ng tao, ng kanyang buhay bilang galing sa Diyos ay hindi nababayaran ng anumang bagay,” bahagi pa ng homiliya ng Kardinal.
Inihalintulad pa ng Cardinal na ang karanasan ni Hesus na ipinagkanulo ni Judas Iscariote kapalit ang 30 piraso ng pilak.
Kasabay nito, hinamon ni Tagle ang bawat mananampalataya na laging alalahanin ang mga sugat na natamo ni Hesus nang ipako ito sa krus dahil sa pagkakanulo kapalit ang salapi at kayamanan.
Aniya pa, kung hindi masusupil ang pagpapahalaga ng tao sa salapi ay mararanasan ng bawat isa ang karanasan ni Hesus.
“Kung nagawa ‘yan sa anak ng Diyos, kayang kaya gawin ‘yan sa mga katulad natin,” dagdag pa ng Cardinal.
Binigyang-diin ng Cardinal na dapat masasaktan ang bawat taong tinatanong kung magkano ang halaga nito sapagkat hindi ito ikinalulugod ng Panginoon.
Hinimok Din niya ang bawat isang dumalo sa Misa na higit na pahalagahan ang buhay na siyang tunay na kayamanan.
“Ang ating kayamanan ay ang ating pagkatao, ang ating buhay pamilya at dangal ng ating mga anak. ‘Yan ang tunay na kayamanan na hindi napepresyuhan,” ayon kay Tagle.
Inihabilin rin ni Tagle sa mga dumalo sa misa na tularan ang pagsisisi at pagbabalik-loob ni Judas Iscariote nang mapagnilayan ang pagkakamaling nagawa.
“Tularan ang pagbabalik loob ni Judas Iscariote. May pag asa tayo, magbalik loob, at suriin mabuti ang sarili. Ako ay may dangal, ako ay regalo ng Diyos,” pagtatapos pa ng Cardinal. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.