CARDINAL TAGLE NANGUNA SA SIMBANG GABI

tagle

PINAALALAHANAN kahapon ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang publiko na hindi dapat na gamitin ang kapangyarihan sa pambu-bully ng ibang tao.

Si Tagle ang nanguna sa isang banal na misa na idinaos sa Manila Cathedral sa Intramuros, Manila kahapon, ang unang araw ng tradisyunal na Simbang Gabi.

Sa kanyang homiliya, hindi naman nagbanggit ng pangalan si Tagle kung sino ang kanyang tinutukoy.

Sa halip ay ipinaalala na lamang ng Cardinal sa mga mananampalataya ang payo ni Saint Paul kung paano makakamit ang tunay na kaligayahan.

Binigyang-diin pa ni Tagle na ang mga taong gumagamit ng kapangyarihan upang maliitin ang kanyang kapwa ay ang taong pinakatakot at pinaka-insecure sa lahat.

“Do not bully anyone. Huwag mong gagamitin ang iyong kapangyarihan para mambastos. Huwag mong gagamitin ang iyong kapangyarihan para piitin, coerce ang iba,” bahagi ng kanyang homiliya.

“Panahon pa po ni Hesus itong binabasa ko, [pero] parang kasusulat lang kahapon. Pareho pa rin ang sikreto sa kaligayahan.  Huwag kang mangmamaliit,” aniya pa. “Hindi porke mayroon kang posisyon, ikaw ay may karapatan na para mangyurak sa kapwa.  Sa katunayan, ang bully, ang gumagamit ng kapangyarihan para maliitin ang kapwa, iyan ang pinakatakot at insecure na tao.”

Hinikayat din  ng Cardinal ang mga mamamayan na magbahagi sa kapwa ng kanilang biya­yang nakamit at manatiling tapat upang maging tunay na maligaya sa panahon ng Kapaskuhan.

Samantala, tulad naman ng inaasahan, du­magsa ang mga Katoliko sa mga simbahan, partikular na sa Manila Cathedral.

Personal ding nagtu­ngo sa Manila Cathedral si National Capital Regional Police Office (NCRPO) chief P/Director Guillermo Lorenzo Eleazar, upang tiyaking maayos ang ipinatutupad na seguridad doon ng Manila Police District (MPD).

Nagkaroon ng pagkakataon si Eleazar upang makapagmano at makausap sandali si Tagle.

Hindi lamang ang  Manila Cathedral ang binisita ni Eleazar, ilang mga simbahan na dina­dagsa rin ng mga Katoliko ang binisita niya upang matiyak na hindi nagpapabaya ang mga pulis na nakatalaga roon. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.