SI MANILA Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang napili ni Pope Francis upang gumampan sa isang mas malaking responsibilidad sa Simbahang Katolika o bilang bagong Prefect of the Congregation for the Evangelization of Peoples, na kilala rin bilang Prefect of the Propaganda Fide.
Batay sa anunsiyo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), ang pagtatalaga kay Tagle sa Roman Curia ay inanunsiyo ng Vatican sa Roma dakong 12:00 ng tanghali o 7:00 ng gabi ng Linggo sa Filipinas.
Pormal umanong itatalaga sa kanyang bagong posisyon sa Vatican ang Cardinal sa 2020.
Ayon kay Fr. Greg Gaston, rector ng Pontificio Collegio Filipino at correspondent ng Radio Veritas sa Roma, ang bagong tungkulin ng Cardinal ay nakabase sa Roma at nakasasakop sa mas malaking responsibilidad na paghahayag ng pananampalataya at ng misyon ng simbahan sa buong mundo, kaya’t inaasahang kakailanganin nitong bakantehin ang kanyang posisyon bilang arsobispo ng Archdiocese of Manila.
“Ibig sabihin dito na siya titira ngayon sa Vatican. Sa Rome, wala naman siyang by-location. Kaya ipagdasal natin siya sa kaniyang bagong tahanan sa Roma,” ayon kay Gaston sa panayam ng church-run Radio Veritas.
Nabatid na papalitan ni Tagle si Cardinal Fernando Filoni, na nagsimulang mangasiwa sa kongresasyon noon pang 2011 at ngayon ay itinalaga ni Pope Francis bilang Grand Master ng Order of the Holy Sepulcher.
Ani Gaston, bukod sa bagong posisyon, si Tagle rin ang siya ring pangulo ng Caritas Internationalis at Catholic Biblical Federation, at magiging depende aniya sa Santo Papa kung itutuloy pa niya ang panunungkulan dito.
“Depende na ‘yan sa Santo Papa, puwede naman yan na ituloy nya, unless ang Santo Papa ay maglagay ng mga bagong in-charge,” paliwanag ng pari.
Nabatid na ang Vatican ay may siyam na pangunahing kongregasyon na maihahatulad bilang ‘cabinet position’ kasama na dito ang tanggapan ng evangelization of peoples.
Si Tagle, na nagsilbi ring obispo ng Imus, ang ika-32 arsobispo ng Maynila matapos na italaga ni Pope Benedict XVI noong taong 2012.
Ang Congregation for the Evangelization of Peoples ang nangangasiwa sa pagpapalaganap ng pananampalataya sa buong mundo na itinatag noong 1622 ni Pope Gregory XV. ANA ROSARIO HERNANDEZ