CARDINAL TAGLE TUMULAK NA SA ROMA

  Manila Archbishop Cardinal Luis Antonio G Tagle

TUMULAK na si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle patungong Roma nitong Linggo ng gabi upang gampanan ang panibagong misyong iniatang sa kanya ni Pope Francis sa Vatican.

Kaugnay nito, bakante na ang posisyon ni Tagle bilang arsobispo ng Archdiocese of Manila, na siyam na taon rin niyang pinagsilbihan.

Dakong 10:00 ng gabi nang lisanin ni Tagle ang Maynila  para sa kanyang bagong misyon bilang bagong Prefect of the Congregation for the Evangelization of Peoples.

“Work starts for me this week at the Congregation. It was an honor and blessing to have known you and collaborated with you. I will always treasure my time with you,” ayon kay Tagle, na siyang ika-32 arsobispo ng archdiocese, at kasalukuyang pangulo ng Caritas Internationalis at Catholic Biblical Foundation.

Bago naman tuluyang bumiyahe, pinangunahan muna ni Tagle ang isang banal na misa sa Manila Cathedral, sa Intramuros. Ito na ang kanyang huling misa bilang arsobispo ng Maynila.

Umapela rin si Tagle sa mga Pinoy na patuloy siyang ipanalangin at tiniyak sa mga ito, na mananatili sila sa kanyang puso at patuloy ring isasama sa kanyang pagdarasal sa Panginoon.

“Please pray for me and my mission as well. Let us pray for docility to the Holy Spirit as we continue our life as an Archdiocese and await the next archbishop,” aniya pa. “I will always treasure my time with you; you can count on my prayers and please pray for me and my mission as well.”

Sa naturang liturgical service, ang kanyang ‘coat of arms’ ay inilagay sa isang marble sa ‘nave’ ng simbahan, na isang tradisyon sa cathedral kung magtatapos na ang termino ng isang arsobispo.

Ayon kay Fr. Reginald Malicdem, ang rector ng cathedral, ang ‘coat of arms’ ang kanilang “source of pride and joy.”

“This coat of arms signifies that you will be remembered in all the prayers and masses offered in this cathedral,” paliwanag pa ni Malicdem.

Matatandaang may dalawang buwan na ang nakakaraan nang italaga ni Pope Francis si Tagle sa naturang bagong posisyon sa Vatican.

Bago naman naitalaga sa naturang pwesto, ang 62-anyos na si Tagle, na tubong Cavite, ay nagsilbi rin bilang obispo ng Imus bago naitalagang arsobispo ng Maynila.

Samantala, nakaantabay naman ang mga opisyal ng Simbahang Katolika sa gagawing anunsiyo ng Vatican sa paghirang ng Santo Papa sa bagong arsobispo ng Maynila, na papalit kay Tagle.

Bukod naman sa Arkidiyosesis ng Maynila, sede vacante rin o wala pang nakatalagang obispo sa mga dioceses ng Alaminos; Jolo, Sulu; San Jose Mindoro, Taytay Palawan at ang Nunciature. ANA ROSARIO HERNANDEZ