Mga laro ngayon:
(Filoil Flying V Centre)
2 p.m. – Perpetual vs San Beda (Men)
4 p.m. – Mapua vs JRU (Men)
PALALAKASIN ng Mapua ang kanilang Final Four campaign sa pakikipagtipan sa Jose Rizal University sa NCAA men’s basketball tournament ngayon sa Filoil Flying V Centre.
Mula sa matamlay na simula ay humataw ang Cardinals at biglang napabilang sa karera para sa semis, subalit naghihinay-hinay si first-year coach Randy Alcantara.
“I’m so proud sa mga player ko na talagang nagtrabaho. Pero hindi muna namin iniisip kung ilang games kaming behind sa top four. Sa inilalaro namin, one game at a time,” ani Alcantara.
Matapos na simulan ang season sa 0-5, sa wakas ay umabot ang Mapua sa .500 mark sa unang pagkakataon makaraan ang 93-67 pagbasura sa Arellano University noong Martes.
Umaasa ang Cardinals na mapananatili ang kanilang kahanga-hangang pag-angat sa 4 p.m. duel sa Bombers.
Sisikapin naman ng defending champion San Beda, pasok na sa semis sa ika-14 na pagkakataon, na mapalawig ang kanilang perfect run sa 14 games sa pagsagupa sa University of Perpetual Help System Dalta sa unang laro sa alas-2 ng hapon.