NAKA-GRADUATE ka na, ano na nga ba ang susunod na tatahakin mong landas? Panibagong pakikipagtunggali na naman. Panibagong hirap at pakikipagsapalaran para sa panibagong tagumpay.
Masayang-masaya ang marami kapag nakatapos na sa kolehiyo. Maging ang mga magulang ay walang humpay ang nadaramang kaligayahan. Success, iyan nga naman ang tingin ng bawat magulang kapag nagawa nilang patapusin ng pag-aaral ang kanilang mga anak. Sa mga anak naman, ito ang panahong pinakahihintay nila sapagkat masusuklian na nila ang sakripisyo at pagmamahal ng kanilang mga magulang. Ito rin ang simula ng pag-abot nila sa kanilang mga pangarap.
Kaakibat ng pagtatapos ay ang panibagong hagdang tatahakin. Panibagong pakikipagsapalaran. Panibagong hirap at pasakit. Higit sa lahat, panibagong tagumpay. Kaya narito ang ilang career advice na swak na swak sa mga nagsipagtapos sa kolehiyo ngayong taon:
IHANDA ANG SARILI SA PANIBAGONG YUGTONG TATAHAKIN
Hindi dahil nakapagtapos ka na sa kolehiyo ay petiks ka na lang o magre-relax. Oo, naabot mo na ang pinakamimithi mong makatapos ng pag-aaral. Gayunpaman, hindi ito ang katapusan ng lahat sapagkat sa tuwing nagtatapos ang isang bagay, panibagong simula naman ang kailangan mong pagdaanan o simulan. At ang panibagong simulang iyan ay ang yugto ng paghahanap ng trabaho. Pagpapalawak ng kaalaman. Pagpili ng karerang swak sa iyong kakayahan at pagkatao.
Matapos na maka-graduate sa kolehiyo, ihanda ang sarili sa panibagong daang tatahakin. Hindi madali ang paghahanap ng trabaho, isaisip natin iyan. Hindi rin porke’t nakatapos ka ng kolehiyo ay masasabi mo kaagad na may trabahong naghihintay sa iyo. Marami kang kakompetensiya. Maraming may experience na naghahanap din ng trabaho. Maging mulat tayo sa mga ganoong bagay.
Gayunpaman, gawin natin ang ating makakaya nang makamit muli ang panibagong tagumpay.
HUWAG KAAGAD MAG-EXPECT NG MALAKING SUWELDO
Karamihan naman talaga sa mga empleyado ay naghahangad ng malaking suweldo. Iyong suweldong makabubuhay ng pamilya. Natural lamang iyon sapagkat sa panahon ngayong patuloy na nagsisipagtaasan ang mga bilihin, kakapusin talaga ang karamihan sa atin. Hindi na nga magkandaugaga ang iba sa pagtatrabaho pero ‘di pa rin sapat ang kanilang kinikita para sa sarili at pamilya.
Kung bagong graduate ka, experience muna ang kailangan mong asamin at hindi ang malaking suweldo. Oo, karamihan sa mga nagsipagtapos, malaking suweldo kaagad ang gusto. Sa paghahanap ng trabaho, inaalam kaagad kung magkano ba kung sakali ang kanyang susuwelduhin. At kapag maliit, umaayaw at naghahanap nang mas malaki.
Kahit naman sino ay nangangarap na kumita ng malaki. Sabi nga ng ilan, bakit ka pa magpapakahirap mag-aral kung maliit lang din na suweldo ang ibibigay sa iyo. Pero tandaan nating karamihan sa mga kompanya ay naghahanap ng mga empleyadong may kasanayan na sa trabaho. Nangyayari rin kung mag-hire man sila ng bagong graduate, hindi agad-agad nila ito binibigyan ng malaking suweldo. Sinusubok muna. Inaalam muna ang kakayahan.
Oo, may ibang maliit magpasuweldo sa mga nagsisimula pa lamang. May iba rin namang mataas magbigay. Depende rin naman kasi iyan sa kompanya at sa opisinang pagtatrabahuan mo.
Gayunpaman, ang pagkakaroon ng mataas na suweldo ay maaari mong makamtan lalo na kung may experience ka na. Kaya, mahalaga ang experience. At kung wala ka pang experience dahil nga bagong graduate ka, maghanap ka ng sa tingin mo ay makatutulong upang mahasa pang lalo ang iyong kaalaman.
HUWAG TUMIGIL NA MATUTO AT MAG-EKSPERIMENTO
Isaisip din nating hindi porke’t nakapagtapos na tayo sa kolehiyo ay titigil na tayong mag-aral o matuto ng mga bagay-bagay at mag-eksperimento.
Sabihin mang nakapagtapos na ang isang estudyante at naghahanap na ito ng trabaho o may trabaho na, kailangang pa ring ituloy niya ang pagtuklas ng mga bagay-bagay na makatutulong upang mapalawak pa ang kanyang kaalaman at kakayahan.
Hindi kailangang tumigil na matuto sapagkat habang nadaragdagan ang kaalaman ng bawat isa, malaki rin ang tiyansang gumanda ang kanyang career.
HUWAG MATAKOT NA MAGKAMALI
Kaakibat o katuwang na ng success ang pagkakamali. Para iyang anino na palaging nakabuntot sa atin. At dahil diyan, huwag matakot na magkamali. Sa pagkakamali, diyan tayo natututo. Ang mga pagkakamaling nagagawa natin ang siyang nagtuturo sa atin para maging mabuting tao at empleyado.
Maraming ayaw na ayaw ang magkamali—sa pagdedesisyon sa personal na buhay o trabaho. Gayunpaman, umayaw man tayong magkamali, nangyayari at nangyayari pa rin iyan. Hindi natin iyan matatakasan. Kung minsan talaga ay hinihingi ng pagkakataong magkamali tayo. At ang pagkakamaling iyon ang siyang humuhubog sa atin. Huhubog para mas maging karapat-dapat tayong nilalang.
PANATILIHIN ANG HEALTHY LIFESTYLE
At para rin maabot ang mga pangarap sa buhay, panatilihin ang healthy lifestyle. Mag-ehersisyo at kumain ng tama. Magpahinga rin ng sapat,
Habang inaalagaan natin ang ating sarili ay napapalapit tayo sa tagumpay na pinakaaasam-asam natin. Kaya huwag tayong magpabaya. Habang healthy nga naman ang bawat isa, magiging healthy at maganda rin ang hinaharap nito.
MAGING POSITIBO
Sa kabila ng mga pagsubok sa buhay, sabihin mang hindi ka natanggap sa inaplayan mong trabaho, huwag kang sumuko at tingnan ito nang positibo. Tandaang lahat ng bagay ay nangyayari ng may dahilan. Malay mo, ang trabahong inaaplayan mo ay hindi talaga para sa iyo at may mas magandang naghihintay sa iyo.
Panatilihin natin ang positibong gawi at ang positibong pag-iisip. Huwag tayong magpadala sa mga mali o pangit na nangyayari sa ating paligid.
Hindi madaling maabot ang mga pangarap. Marami kang lubak at putikang daraanan para makamtan mo ang tagumpay.
Gayunpaman, kung pursigido ka, wala kang hindi makakayang abutin. CS SALUD
(photos mula sa google)
Comments are closed.