SIMULA kahapon ay tumatanggap na ang Civil Service Commission (CSC) ng mga aplikasyon para sa isasagawa nitong 2023 Career Service Examination-Pen and Paper Test (CSE-PPT) para sa professional at subprofessional levels sa darating na Agosto 20.
Ayon kay CSC Chairperson Karlo Nograles, nagsasagawa na ang kanilang ahensiya ng malawakang paghahanda sa inaasahang malaking bilang ng aplikante na nagnanais na kumuha ng civil service examination.
“Ang CSC ay nagkasa ng 97 testing centers sa 16 na rehiyon sa buong bansa bilang paghahanda sa inaasahang dami ng mga aplikante at upang gawing mas accessible ang pag-a-apply para sa CSE-PPT para sa mga interesadong maging bahagi ng serbisyo sibil ng bansa,” ayon pa kay Nograles.
Sinabi ng CSC head na para sa mga interesadong aplikante, kinakailangan nilang tugunan ang ilang kwalipikasyon para mapabilang sa hanay ng examinees. Ang pagtanggap ng aplikasyon ay hanggang sa Hunyo 21, 2023.
“First, they must be Filipino citizens. Secondly, they should at least be 18 years old on the date of filing of application. Additionally, having good moral character is an essential criterion,” ani Nograles.
“It is likewise imperative that applicants have not been convicted by final judgement of an offense or crime involving moral turpitude, or disgraceful or immoral conduct, dishonesty, examination irregularity, drunkenness, or addiction to drugs. Furthermore, they must not have been dishonorably discharged from military service, or dismissed for cause from any civilian position in the government,” dagdag pa niya.
Bukod dito, ang aplikante ay hindi dapat nakakuha na ng kahalintulad na Career Service Examination level, maging ito man ay sa pamamagitan ng PPT o CSC Computerized Examination, sa loob ng tatlong buwan o sa pagitan ng 20 May hanggang 19 August 2023.
Para sa kabuuang detalye, ang lahat ay hinihimok na i-access ang CSC Examination Announcement No. 02, s. 2023 na naka-post sa CSC website at maaari ring makipag-ugnayan sa CSC Regional Office o CSC Field Office kung saan nais kumuha ng naturang pagsusulit.
-ROMER R. BUTUYAN