ZAMBOANGA CITY – BIGLANG nagliyab ang isang cargo vessel habang nakadaong sa Barangay Recodo, Biyernes ng madaling-araw hanggang sa ito ay tuluyang lamunin ng apoy.
Tinatayang aabot sa mahigit P7 milyon ang naging danyos sa nasunog na MV Nurhuda.
Ayon sa inisyal na pagsisiyasat ng Zamboanga City Police Office at Bureau of Fire Protection, kasalukuyang natutulog ang mga tripulante ng barko nang magsimulang magliyab ang isang bahagi ng barko malapit sa kusina nito.
Sa salaysay ni Roslan Omar, isa sa mga tripulante ng MV Nurhuda, nagulantang na lamang sila ng magising na malaki na ang apoy malapit sa kusina ng barko kaya agad silang humingi ng tulong.
“Buti na lang nagising kami. Doon kasi kami natutulog sa pilot house,” ani Omar.
Umabot sa third alarm ang sunog at wala namang naiulat na nasaktan sa insidente.
Ayon kay Zamboang City fire marshal Jhufel Brañanola, ilang buwan nang nakadaong ang MV Nurhuda sa pantalan dahil may sira ito na kailangang kumpunihin.
Nabatid na bumibiyahe ito mula Zamboanga papuntang Malaysia para magdala ng mga produkto at iba pang kalakal.
Kasalukuyang pang inaalam ng BFP Arson probers ang sanhi ng sunog. VERLIN RUIZ
Comments are closed.