CARGO VESSEL SUMADSAD: 14 TRIPULANTE LIGTAS

OCCIDENTAL MINDORO- LABING-APAT na tripulante ang nakaligtas matapos na sumadsad ang kanilang cargo vessel sa Sitio Kalangian, Barangay Harrison sa Paluan sa lalawigang ito.

Batay sa imbestigasyon ng Philippine Coast Guard (PCG), ang MV Joegie 5 cargo vessel na pagmamay-ari ng isang shipping company sa Quezon City ay may lulang 28,020 bags ng semento.

Nabatid habang naglalayag ito sa karagatan ng Sitio Calangigan, Brgy Harrison, Paluan, Occidental Mindoro patungo sa Ablayan mula sa Bauan, Batangas nang abutan ng malakas na hampas ng alon at hangin dahilan upang sumadsad ito.

Dakong alas-4 ng madaling araw nang magawa nilang maalis ang cargo vessel mula sa pagkakasasad ngunit napansin nila na patuloy na ang pagpasok ng tubig dagat sa nasabing vessel.

Upang maiwasang lumubog ay nagdesisyon ang kapitan nito na ibalik sa posisyon ng pagkakasadsad

Agad namang dumating sa lugar ng pinangyarihan ang kinatawan ng shipping company upang ipaliwanag ang intensyon ng kanilang cargo vessel.

Samantala, agad namang ginawan ng paraan para sipsipin ang diesel sa fuel tank nito upang maiwasan ang oil spill sa lugar. EVELYN GARCIA